Babaeng may 'the one that got away,' tampok sa 'ASAP'

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2018 03:46 PM

May mga tao tayong nakikilala na kung titingnan sa kasalukuyan ay nagtataglay ng mga katangiang hinahanap natin sa isang kapareho.

Pero tila hindi sang-ayon ang kapalaran dahil mayroong mga pangyayaring naghahadlang para kayo ay mauwi sa piling ng isa't isa.

Ganito ang kuwentong ibinahagi ni Ethel Concepcion na nag-viral sa social media site na Twitter noong nakaraang buwan.

Tampok ang kuwentong "the one that got away" ni Concepcion sa segment na "TLC" ng programang "ASAP" nitong Linggo.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nakilala ni Concepcion ang kaniyang "the one that got away" noong kolehiyo.

"Mayroon ako na-meet na guy doon sa isang group na lagi ko kasama," kuwento ni Concepcion. "Hindi pumasok sa utak ko na may crush siya sa 'kin, marami akong insecurities eh."

Naging malapit si Concepcion at iyong lalaki subalit hindi na sila muling nag-usap o nagtagpo nang makapagtapos ng kolehiyo.

Noong 1999, makalipas ang ilang taon, muling nakita ni Concepcion iyong lalaki matapos siyang i-text nito at yayain lumabas sa isang mall.

"Mayroon siyang kinuwento sa 'kin, 'Did you know I had a crush on you in college?' and I was really floored," ani Concepcion.

Sa muling pagtatagpo ring ito nahalikan ni Concepcion iyong lalaki.

Matapos ang "date" nilang iyon ay nagtuloy-tuloy ang ugnayan ni Concepcion at ng lalaki hanggang sa isang araw ay bigla na lang itong tumigil.

"It just stopped," sabi ni Concepcion.

Muli silang nagkaroon ng ugnayan noong lalaki makalipas ang 13 taon nang i-add siya nito sa Facebook.

Paliwanag umano ng lalaki, nawala ang kaniyang telepono at hindi nito alam kung paano ma-kontak si Concepcion.

Kinuha na rin ni Concepcion at ng lalaki ang pagkakataong iyon para ikuwento ang kalagayan ng isa't isa.

Napag-alamang iyong lalaki ay pamilyado na habang si Concepcion naman ay hiwalay sa asawa at may dalawang anak.

Nangako silang muling magkikita pero ayon kay Concepcion ay iyon na ang huling pagkakataong nagkita sila.

"That was six years ago and that was the last time I saw him," aniya.

Nang ipagdiwang ng lalaki ang kaniyang kaarawan noong Enero, binati siya ni Concepcion. Dito na rin pumasok kay Concepcion ang ideya na ibahagi ang kanilang kuwento sa Twitter.

Kasalukuyang may higit 6,900 likes sa Twitter ang post ni Concepcion.

"When I put it up, sinabi nila (followers) sa'kin na 'TOTGA' 'yan ... it's the one that got away," ani Concepcion. 

Bagaman hindi nagkatuluyan, sinabi ni Concepcion na kontento na siya kung ano ang mayroon sila ng lalaki.

"Siya 'yong guy na nagpakita sa 'kin na even when I felt so ugly, he only had eyes for me," aniya.

Handog nina Kyla, Angeline Quinto, Erik Santos, at Daryl Ong ang awiting "Almost Is Never Enough" nina Ariana Grande at Nathan Sykes para kay Concepcion.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.