Mga opisyal ng USTAAI, di magbibitiw matapos batikusin sa social media

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2018 03:17 PM | Updated as of Jan 23 2018 03:59 PM


Nilinaw ng University of Santo Tomas Alumni Association Inc. (USTAAI) na wala sa kanilang hanay ang magbibitiw kasunod ng sunod-sunod na pambabatikos dahil sa iginawad na pagkilala kay Presidential Communications Assistant Secretary Margaux "Mocha" Uson.

Ayon kay USTAAI President Henry Tenedero, magsasagawa muna sila ng emergency meeting upang talakayin ang kontrobersiyal na "Thomasian Alumni Award for Government Service" na ibinigay nila kay Uson, na inaakusahan ng pagpapakalat ng mga "fake news."

"Tatalakayin namin mga lumalabas sa social media. We have a listening board," ani ni Tenedero.

Giit pa ni Tenedero, ang iginawad na award kay Uson ay iba sa "The Outstanding Thomasian Alumni Awards" o TOTAL na dumaraan sa mas masinsinang proseso.

Nanawagan si Tenedero sa UST community na kausapin sila dahil isa naman daw silang "pamilya." 

Kung personal umano siyang tatanungin, dapat daw ay irespeto si Uson kahit taliwas ito sa paniniwala ng ibang tao o iba sa kanilang opinyon.

Umaasa ang opisyal na magtatagpo ang mga schedule nila sa madaling panahon para masimulan na ang kanilang pulong.

--Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.