Pagpatay sa hammerhead shark, kinondena ng DENR

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2018 02:37 PM | Updated as of Jan 22 2018 11:10 AM

MANILA - Hindi katanggap-tanggap ang pagpatay sa isang hammerhead shark ng isang mangingisda sa bayan ng Currimao sa Ilocos Norte, ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu.

Sa kumalat na video sa social media, kitang sinasaktan hanggang mapatay ang isang hammerhead shark, na isang engandered species.

Giit ni Cimatu, ilegal ang ginawa ng mga mangingisda at dapat lamang ang mga itong maparusahan.

Una nang nahuli ang mangingisda ngunit ipinagutos ng isang barangay official na palayain ito. Dahil dito, hiniling ni cimatu sa Department of Agriculture (DA) ang pagsasampa ng kasong administratibo sa naturang barangay official.

Ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, na nasa ilalim ng DA, ang may hurisdiksyon sa lahat ng uri ng pating na matatagpuan sa bansa.

Sa ilalim ng Republic Act 9147, ipinagbabawal ang paghuli, pagbebenta at pagpatay ng mga endangered species. Ang mga lalabag dito ay pwedeng makulong ng hanggang walong taon at pagmultahin ng P300,000 hanggang tatlong milyong piso.

Kabilang ang Pilipinas sa mga pumirma sa Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Fauna and Flora (CITES) na nagbibigay ng proteksyon sa ilang uri ng pating, kabilang ang tatlong species ng hammerhead shark. - May ulat si Jeff Hernaez, ABS-CBN News