Guro, gumawa ng mobile app para sa mga estudyante ng senior high

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2018 11:33 PM

Ginawa ng isang guro sa Bauan, Batangas ang mobile app na "Libro ni Bonsai" upang tulungan ang mga guro at estudyante ng senior high school.

Isang guro sa Bauan, Batangas ang gumawa ng libreng mobile application para sa mga estudyante at guro ng senior high school.

Ayon sa gurong si Ma. Leticia Jose "Bonsai" Basilan, hindi siya ganoong "techie" at produkto lamang ng isang action research ang kanyang mobile app na "Libro ni Bonsai."

"Kinompile ko siya, binigay ko nang libre yung mga books na sinulat ko at inupload ko siyang lahat doon. Nandito yung mobile offline application. Once na nakuha mo na yung content, you can access it freely,” ani Basilan.

Mabilis ma-access ang mobile app at user-friendly ito.

Pagkatapos madownload ang mobile application sa Google Play o App Store, maaari na itong gamitin. Isang pindot lang sa icon, lalabas na ang iba't-ibang aralin, instructional materials sa kahit na anong file format na ginagamit sa senior high school na pwedeng idownload at i-share.

Maaaring idownload mula sa Google Play o App Store ang mobile app na "Libro ni Bonsai."

Mananatili naman umanong libre ang application hangga’t kaya itong tustusan ni Balisan.

“Hangga’t nasusuportahan ko pa siya ibigay ko na ngayon pa lang. Nakarating na siya sa Nueva Ecija, Cebu, Iligan. Mga Bisaya yung nagmemessage sa akin, ang ibig sabihin ay salamat at naiintidihan ko yun,” ani Balisan.

Lubusan naman ang pagpapasalamat ng Grade 11 student na si Mercy Roxas sa malaking tulong ng mobile app sa pagsasaliksik.

Aminado ang Grade 11 student na si Mercy na nahihirapan sila minsan pagdating sa paghahanap ng references sa mga aralin sa senior high school.

“Very helpful siya sa mga students kasi halos lahat ng subjects nandito na. Noon nahihirapan kami kasi kailangan mo pang i-search at mag-internet, magpaload, magcomputer shop," aniya.

Ganito rin ang opinyon ng senior high school teacher na si Emily Abanes.

“Napaka-accesible niya at napakahelpful niya sa akin bilang teacher. Pagkadownload ko magtuturo na ako, ikokonek ko na siya sa projector o TV, pwedeng-pwede nang gamitin,” aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.