Bong Pineda, namigay ng pera sa bawat madaanang tao sa Quiapo

ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2018 05:29 AM

Bahagyang nagdulot ng komosyon sa simbahan ng Quiapo ang pagdating ng negosyanteng si Bong Pineda.

Bawat madaanan kasi ay inaabutan niya ng P100 kaya dinumog siya ng mga tao saan man magpunta.

Nang magkagulo na sa loob ng simbahan, pinapila na lang ang mga tao sa labas.

Tumangging magbigay ng pahayag si Pineda sa kanyang ginagawa at umalis na lang nang hingan ng panayam.

Si Pineda ay asawa ni Pampanga Governor Lilia Pineda at dati na ring ipinatawag sa Senado kaugnay sa jueteng. 

Mariin niyang itinanggi na may kinalaman siya sa operasyon ng jueteng sa bansa. 

Ayon ng mga tao sa Quiapo, regular na namimigay ng pera si Pineda sa lugar tuwing madaling araw ng Biyernes o kung may okasyon. - ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News; DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.