PBA: Chris Gavina, nagbitiw bilang Kia coach

ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2017 02:28 PM | Updated as of Dec 30 2017 02:29 PM

File/PBA Media Bureau

Sa pagpasok ng bagong taon, bagong coach na rin ang ipaparada ng Kia Picanto matapos magbitiw sa puwesto si Chris Gavina kasunod ng sunod-sunod na kontrobersiyang kinasangkutan ng koponan sa pagpapatuloy ng kabubukas lamang na PBA season.

Ayon sa ulat na inilabas ng Spin.ph, inamin ni team manager Joe Lipa ang pag-alis ni Gavina bilang head coach ng Kia para pagtutuunang pansin ang produksyon ng kaniyang IMPAKT power drink.

Papalitan si Gavina ni Ricky Dandan na siya lead deputy ng Picanto. Pormal nitong pangungunahan ang Kia sa pagbabalik nila sa ensayo sa Enero 2. 

"I admire coach Chris both as a coach and person. He really acted professionally during the time he was here with the team," ani Lipa. 

Nauna nang inanunsiyo ni Gavina ang pagbibitiw sa kanyang koponan nitong Sabado matapos ang kanilang ensayo. 

Nangyari ang pag-alis ni Gavina ilang araw lamang matapos maging usap-usapan ang umano’y napipintong pagbili ng Phoenix ng ilang porsiyento ng Columbia Autocar Corporation na may-ari ng Kia. 

Bukod pa ang usaping ito sa isyu ng pagpapamigay nila sa kanilang karapatan makuha ang top pick sa nakaraang PBA draft na pinangungunahan ni Christian Standhardinger kapalit nina Jay-R Reyes, Ronald Tubid, Rashawn McCarthy at future first round pick. 

Hindi pa rin nakakatikim ng panalo ang Kia sa pagpapatuloy ng Philippine Cup (0-2) upang tuluyang mabaon sa 14-game losing streak na nagsimula pa noong last season kabilang ang winless Governors’ Cup campaign (0-11).

Tangan ni Gavina ang 12-34 win-loos record simula nang hawakan ang koponan sa limang komperensiya, apat rito ay bilang lead deputy sa noo’y playing-coach na si Manny Pacquiao. 

"We want to thank coach Chris for all the things he had done for the team. He'll always had my utmost respect," dagdag ni Lipa. "He said he'll be away from coaching at the moment as he wants to concentrate in marketing his IMPACT power drink."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.