PBA: Lolo na fan ng Ginebra, pinasaya ni Mark Caguioa at buong team

ABS-CBN News

Posted at Dec 01 2017 10:01 PM | Updated as of Dec 01 2017 10:03 PM

Game na game si Sesinando “lolo Narding” Gonzaga makipagkuhanan ng retrato sa mga player ng Barangay Ginebra Huwebes sa Upper Deck Gym sa Pasig. Courtesy of Ven Gonzaga

Ibinahagi ng isang Barangay Ginebra fan sa kanilang Facebook group ang video na nagpapakita kung bakit sila ang pinakapopular at pinakakinagigiliwan na koponan sa PBA.

Dumalaw nitong Huwebes si Sesinando “lolo Narding” Gonzaga kasama ang kaniyang kaanak sa Upper Deck Gym sa Pasig, kung saan nag-eensayo ang mga manlalaro ng Ginebra.

Kinuhanan ng video ni Tracy Joy Lagasca Pancho ang pagkikita ni lolo Narding, 92, at Mark Caguioa, na hindi nagdalawang-isip na bigyan ng oras ang kaniyang bisita.

Naka-wheelchair si lolo Narding nang lapitan si Caguioa, na may iniabot na jersey at shorts na kaniyang pinirmahan sa harap ng tagahangang bisita.

Nakasuot si lolo ng pulang Ginebra na t-shirt at cap na may nakasulat na “1979,” ang taon kung kailan pumasok sa PBA ang Ginebra, at “never say die.”

Sa isa pang video ni Pancho, pinahanap pa ni Caguioa ang sarili niyang camera para magpakuha ng retrato sa kaniyang bisita, na ikinatuwa naman ng mangilan-ngilan na nakapaligid na fans.

Matapos ang pa-picture, nilagdaan naman ni Caguioa ang t-shirt ni lolo Narding, sabay pagpapasalamat at mano dito.

“Huwag kayong magsawa sa amin, itay,” ani Caguioa.

Kuwento ni Ven Gonzaga, apo ni lolo Narding, galing pa sila sa kanilang bahay sa Parañaque nang bisitahin nila ang Ginebra. 

“Ang nakakatuwa kay lolo, usually kapag nagmo-mall kami, mainipin siya lagi tapos gusto niya umuwi na agad,” salaysay ni Ven sa isang panayam sa ABS-CBN News, Biyernes.

“Nagtataka kami noong nanood kami ng Ginebra, dumating kami mga 11 a.m. tapos 1 p.m. na natapos iyong practice, hindi nagyayaya ng uwi si lolo. Hindi nangangalay. Kahit ano’ng reklamo niya, wala kaming narinig.”

Matagal na raw fan ng Ginebra si lolo Narding, panahon pa ni Robert Jaworski, kuwento ni Ven.

Ibinahagi rin ni Ven ang mga gawi ng kaniyang lolo tuwing may laban ang Ginebra noong araw.

“Kapag may laban ang Ginebra, wala ng ibang channel dapat ang TV. PBA dapat,” ani Ven.

“Kapag iyon, nakita ko ng may bote ng Pilsen sa lamesa, ibig sabihin talo na Ginebra noon. Medyo alanganin na Ginebra noon, nag-iinom na siya.”

Aniya, maging silang mga apo, naging tagahanga na rin ng Ginebra dahil sa impluwensiya ng lolo. 

“Hanggang paglaki namin, nakasanayan na ng mga apo niya na nanonood na rin kami ng Ginebra kasi di kami makapanood ng TV. Iyon na rin ang pinapanood namin,” dagdag ng apo.

Isang beses pa lang nakapanood ng live PBA game si Ven na kasama ang lolo, ngunit nang kinailangan na niyang mag-wheelchair hindi na naulit pa ito.

Ayon kay Ven, madalas ma-confine sa ospital ang kaniyang lolo ngayong taon.

“Gusto naman niya mapanood ang game pero siyempre mas gusto niya makausap ang player. Siyempre kapag nasa ganoong game ka, parang 90% chance na hindi mo makakausap iyong mga player,” paliwanag ni Ven, na aminadong mas maiging sa practice na lang sila bumisita.

“Noong kinakausap siya ni Mark, nakikita ko sa mata niya iyong tuwa niya na mangiyak-ngiyak siya,” kuwento ng apo.

Madalas binubuksan ng Ginebra ang regular practices nila para makapanood ang mga fans, bagay na lalong nagpapalapit sa kanilang loob.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.