PBA: Gusto na nga bang magpa-trade ni Terrence Romeo?

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 11:50 PM

Nais umanong kumawala na ni Terrence Romeo sa GlobalPort at lumipat sa ibang PBA team, ayon mismo sa mga opisyal sa loob ng koponan, base sa mga ulat na lumabas sa ilang sports website Martes.

Nagdesisyon umano ang GlobalPort na makinig na sa mga trade offer matapos nitong kumpirmahing kinausap ito ni Romeo noong Commissioner’s Cup at humiling na magpa-trade.

Ayon sa mga ulat, inaalok umano ng Meralco ang dalawang guwardiya nito na sina Baser Amer at Chris Newsome, bagay naman na pinabulaanan ng GlobalPort, ayon sa sources na nakapanayam ng Spin.ph.

Unang iniulat ng Inquirer ang planong trade.

Sa labas ng Barangay Ginebra, maaaring si Romeo na ang pinakasikat na PBA player ngayon.

Sa nakalipas na 2016-17 season lumabas ang pagiging MVP material ni Romeo. 

Pagkatapos ng performance niya noong Philippine Cup kung saan naging kandidato siya para sa best player of the conference, dinala niya sa world stage ang kanyang laro nang buhatin niya ang isang undersized Gilas Pilipinas team sa FIBA Asia Cup sa Lebanon noong Agosto.

Ngunit kahit itinuturing si Romeo na isa sa pinakamahusay na indibidwal na talent sa PBA, hindi pa siya nakakatikim ng tagumpay sa team level.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.