FIBA Asia Champions Cup: Blatche, hindi naglaro kontra Chooks-to-Go Pilipinas

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2017 10:43 PM | Updated as of Sep 28 2017 10:58 PM

Maski wala si Andray Blatche sa loob ng court, nagawa pa rin ng koponan niyang China Kashgar na tambakan ang Chooks-to-Go sa FIBA Asia Champions Cup ngayong Huwebes. Courtesy of FIBA.com

Hindi malinaw kung bakit hindi naglaro si Andray Blatche kontra Chooks-to-Go Pilipinas sa FIBA Asia Champions Cup sa lungsod ng Chenzhou sa China ngayong Huwebes.

Inaantabayanan ng mga Pinoy basketball fans ang pagtatagpo ng China Kashgar at Chooks-to-Go, dahil makakabangga sana ni Blatche, na bahagi ng koponang Kashgar sa Chinese professional league, ang Chooks-to-Go ni Gilas Pilipinas coach Chot Reyes.

Ngunit nagpakita si Blatche sa Chenzhou Sports Center na naka civilian clothes at hindi naka-uniporme.

Naturalized Filipino citizen si Blatche at matagal na siyang naglalaro para kay Reyes sa Philippine national team.

Umani ng halo-halong reaksiyon si Blatche sa social media sa hindi niya paglaro. 

May mga naniniwalang personal ni desisyon ni Blatche na huwag kalabanin ang Gilas at pagpapakita umano ito ng delicadeza, habang may mga nadismaya naman dahil interesado silang makita kung paano maglaro si Blatche bilang kalaban ng tropa ni Reyes.

Isang beses pa lang naglalaro si Blatche sa torneo. 

Laban sa koponang Al Riyadi, nakapagtala siya ng 9 at kalahating minutong playing time. Wala siyang naiskor, habang may 2 rebounds at 6 na assists siya.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.