Kilalanin: Magsasakang-atleta, mabibili na ang lupang dating sinasaka

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2017 01:16 AM | Updated as of Sep 22 2017 11:59 PM

Ngiting tagumpay ang atletang si Dines Dumaan ngayong mabibili na niya ang lupang dating sinasaka

Nasungkit ni Dines Dumaan, dating magsasaka sa Capiz City, ang gintong gantimpala sa 45-kilogram division ng Pencak Silat sa 2017 Southeast Asian Games kahit pa first time lang niya sa paligsahan.

Dalawang taon pa lamang si Dumaan sa sport na Pencak Silat habang dalawang buwan siyang n sumabak sa training kasama ang kaniyang koponan sa isang bootcamp sa Morong, Bataan.

Ani Dumaan, ang training nila ay mula Lunes hanggang Sabado, tatlong beses sa isang araw, at sumasailalim pa sa iba't ibang training routine.

Laking tuwa ni Dumaan na dahil sa gintong medalyang nakamit, nakatanggap siya ng mahigit P350,000 na incentive mula sa gobyerno.

Ibinigay niya ito sa kaniyang mga magulang na nasa Capiz upang bilhin ang lupang sinasaka at ang iba nama'y ipambabayad-utang.

Dating katuwang si Dumaan ng kaniyang mga magulang sa pagsasaka sa probinsiya pero sa ngayon ay itutuloy muna niya ang pagiging atleta.

Naniniwala si Dumaan na mas matutulungan pa niya ang kaniyang pamilya sa ganitong paraan.

Ayon sa kanilang head coach na Alex Patano, isa sa mga susi ng tagumpay ni Dumaan at ng Pencak Silat team ay ang kompletong suporta ng pagsasanay mula sa Philippine Sports Commission. 

Ani Patano, ngayon lamang daw sila nagkaroon ng mahusay pagsasanay para sa kanilang mga atleta, dagdagan pa ng suplay ng bitamina para sa kanilang mga manlalaro.

Paalis na muli ang Pencak Silat team para sa tournament sa South Korea sa darating na Linggo, Setyembre 24.

Umaasa ang kanilang koponan sa tuloy-tuloy na suporta upang makamit ang marami pang karangalan para sa bayan.

-- Ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.