Surfer mula La Union, wagi sa Japan

Teomar Bautista, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2017 03:48 PM

Naiuwi ni Daisy Nerida Valdez ang kampeonato sa katatapos lang na second leg ng Asian Surfing Tour sa Japan matapos ang puspusang pag-eensayo para sa kompetisyon.

Halos dalawang dekada nang surfer si Valdez na taga-San Juan, La Union, at kahit umuulan pa man ay patuloy lang siya sa kaniyang pag-eensayo.

Magkaiba man ang klima sa Pilipinas at Japan, hindi ito naging balakid kay Valdez para makamit ang tagumpay.

“Surf lang everyday which is good kasi before ako pumunta sa Japan, may swell na dumating sa Pilipinas. Nagpunta ako ng maaga sa Japan to practice pa,” aniya.

Nagbunga naman ang kaniyang paghihirap at itinanghal siyang panalo sa women's division ng Longboard sa REnextop Asian Surfing Tour (RAST) Stop #2 sa Makinohara Beach, sa Shizuoka, Japan nito lamang Biyernes.

Ayon kay Enteng, pinakamatandang surfer sa San Juan, bata pa lamang si Valdez ay nakitaan na niya ito ng potensyal na maging magaling na surfer.

“Mula nung bata pa ‘yan, nagsu-surf lagi siya para mag-practice. Gustong gusto niyang matuto kaya kahit saan siya magpunta nananalo pa rin siya,” aniya.

Nagsasagawa ang grupo ni Daisy ng fund-raiser para makalikom ng pondo para sa susunod niyang kumpetisyon.

Ayon kay Valdez, malaki rin ang posibilidad umano na sa mismong bayang sinilangan niya ganapin ang ikatlong bahagi ng Asian Surfing Tour sa Nobyembre.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.