Pacquiao, umayaw sa 2017 rematch; Horn, may napipisil na bagong kalaban

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2017 05:22 PM

May napipisil nang bagong kalaban ang Australyanong si Jeff Horn matapos umatras si Manny Pacquiao sa dapat sana’y rematch nila sa Nobyembre.

Tinitingnan ngayon ni Horn ang posibilidad na depensahan ang kaniyang WBO welterweight title mula sa Amerikanong si Jessie Vargas.

Noong November 2016, tinalo ni Pacquiao si Vargas para makuha ang WBO welterweight belt na nakuha sa kaniya ni Horn sa kanilang laban nitong Hulyo.

Sa ulat ng Reuters, umayaw si Pacquiao sa rematch kay Horn ngayon taon dahil gusto ni “Pacman” na tutukan ang kaniyang tungkulin bilang isang senador.

Gayumpaman, sinabi sa pahayag ng Duco Promotions, may hawak kay Horn, na nangako si Pacquiao sa rematch sa 2018.

Sinabi rin ni Pacquiao na gusto niyang ganapin ang rematch sa Pilipinas.

Kamakailan, sinabi pa ni Tourism Secretary Wanda Teo na idaraos ang Pacquiao-Horn rematch sa Philippine Arena sa Bulacan sa Disyembre, bagay na ikinabigla ni Top Rank chief executive Bob Arum na promoter ng laban.

-- May ulat mula sa Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.