Lalaking walang binti, malayo ang nararating sa swimming

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2017 08:25 PM

Naging inspirasyon sa buhay ng isang naghahangad na maging swimmer ang kaniyang pagkahilig sa paglangoy pero sa hindi inaasahang pagkakataon, muntik nang anurin sa kawalan ang kaniyang mga pangarap. 

Bata pa lang si John Mark "JM" Manalo, ninais na niyang maging isang swimmer o manlalangoy. Saksi ang ilog sa probinsiya nila sa Quezon sa naging kabataan ni Manalo dahil madalas siyang pumaparoon lalo na kapag wala siyang pasok.

Kuwento ng kaniyang mga magulang, hindi maawat noon sa paglangoy ang kanilang anak na si JM kasama ang kaniyang mga kalaro.

"Bata pa nga po nasa ilog na siya. Naglalangoy na siya. 'Yun nga po sinasabihan lagi ng kaniyang ama na huwag laging pumunta sa ilog at baka malunod. Eh, hindi po napipigilan 'yun. Basta araw-araw po kapag wala siyang pasok, nasa ilog po siya," ayon sa kanyang ina na si Estella Manalo.

Sa kanilang walong magkakapatid, si JM umano ang pinakamagaling lumangoy sa kanilang pamilya. Pero ang masaya at tuloy-tuloy na paglangoy, naputol sa isang iglap.

Umaga noong Hulyo 13, 2006, nagpunta si JM at kaniyang mga kaibigan sa basketball court sa barangay para makapaglaro. Noong mga panahong yun, malapit nang sumapit ang kanilang fiesta kaya may itinatayong ferris wheel doon. Pero nang paandarin ang ferris wheel at dahil basa ang sahig ng court, gumapang ang kuryente hanggang sa kinatatayuan ni JM.

Isinugod sa ospital si JM at doon napagdesisyunan ng mga doktor at kaniyang pamilya na putulin na lang ang kaniyang mga binti dahil patay na rin ang mga ugat dito.

"Sabi nga po ng doktor eh pag-isipan daw namin kung kami ay papayag [na putulan siya ng paa] dahil kung papayag daw po kaming putulan siya ng paa, malaki raw ang tsansang mabubuhay siya."

Dahil sa nangyari, tila huminto na rin ang buhay ni JM. Hindi na siya nag-aral at nagmukmok na lang sa kanilang bahay.

Sa isang iglap, hindi na niya nagagawa ang mga simpleng bagay na nakasanayan niyang gawin.

"Mga isang taon po, kung dadamdamin ko lang po at dadamdamin [ang kalagayan ko], pinahihirapan ko lang po ang sarili ko. Hindi ko po iyon pinapakita sa mga magulang ko, pilit ko pong nilabanan 'yun hanggang sa unti-unti na akong nakarekober," aniya.

Hanggang sa isang araw, isang tiyuhin niya ang nag-alok sa kaniyang pag-aralin siya sa Maynila. Sa tulong nito, nakapagtapos ng pag-aaral si JM. 

Kaya nang maka-graduate ng high school, tinulungan naman siya ng isang foundation para pag-aralin sa isang vocational course.

Bukod sa pag-aaral, binalikan rin niya ang dating nakahiligang paglangoy. Kaya sa ilalim ng tubig, muli siyang nakahanap ng pangalawang buhay.

Hindi nagtapos ang kaniyang pangarap sa pagkaputol ng kaniyang mga binti, bagkus, ito ang nagsilbi niyang inspirasyon upang lalong tumatag sa mga hamon ng buhay.

"Mas masaya ako kapag nagsi-swimming, mas magaan ang pakiramdam ko," ani JM.

Bagama't wala na siyang mga binti, buong pusong pagsisikap at determinasyon naman ang kaniyang naging pambala sa maaaring humadlang sa kaniyang mga pangarap.

"Pag ginusto talaga ng tao, may paraan po," aniya.

Sa ngayon, nagsasanay na si JM para makalahok sa Philippine team na sasabak sa ASEAN paralympics.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.