PH men's taekwondo team, nasungkit ang ginto sa SEA Games

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2017 05:12 PM

Matapos matalo sa ilang laro sa 29th Southeast Asian Games Biyernes, muling nasungkit ng Pilipinas ang gintong medalya sa taekwondo na ginanap sa KLCC Hall 1 sa Kuala Lumpur, Sabado.

May iskor na 8.40 ang men's poomsae team sa taekwondo matapos ang dalawang performance.

Dinaig ng mga pambato ng Pilipinas ang Malaysia at Vietnam upang mahablot ang ginto.

PH women's volleyball team, natalo ng Thailand

Pinayuko naman ng puwersa ng Thailand ang Pilipinas sa women's volleyball, 25-21, 25-17, 25-17, na ginanap sa MiTEC's Hall 11 sa Kuala Lumpur.

Malungkot ang mga atletang Pinay dahil sa resulta ng laro.

"This is my second time sa SEA Games, I really want to do well and contribute for the team, and do well for the team talaga," maluha-luhang sambit ni Alyssa Valdez.

Inihalintulad naman ni coach Francis Vicente ang koponan sa mga sundalo na dapat ay patuloy lang lumaban.

Pero nabuhayan naman sila ng loob dahil sa pangako ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na hahanap siya ng paraan para makausap ang mga liga sa Pilipinas para magkaroon ng mas matagal na playing time ang team na magkasama-sama.

Nanood ng laro sina Secretary Cayetano at Congresswoman Pia Cayetano kasama si Philippine Ambassador sa Malaysia na si Charles Jose.

Naniniwala naman si Congresswoman Cayetano na maaabot ng Pilipinas ang tagumpay sa mga susunod na taon.

"Hindi ganoon kalayo abutin 'yung championship," aniya. "Kaya nila 'yan. Maybe another time."

Clarise Patrimonio, nakakuha ng pilak na medalya sa singles tennis

Dinaig ni Luksika Kumkhum ng Thailand ang atletang Pinay na si Clarice Patrimonio, 6-0, 6-1, sa women's singles tennis tournament ng SEA Games sa National Tennis Centre nitong Sabado.

Kinailangan lamang ni Kumkhum ng 48 minuto para mahablot ang gintong medalya.

Masaya pa rin naman ang pambato ng Pilipinas na si Patrimonio dahil sa nakamit na pilak na medalya.

"Medyo ninerbiyos po ako sa dami ng tao. Pero masaya na rin dahil naka-silver," ani Patrimonio.

-- Ulat nina Dyan Castillejo at Camille B. Naredo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.