Kahit bigo, mga Pinoy sa Lebanon todo suporta sa Gilas

Rhyse Furio, ABS-CBN Middle East News Bureau

Posted at Aug 17 2017 07:06 PM

BEIRUT - Dumagsa ang may 1,000 Pinoy sa Nouhad Naufal Stadium sa Lebanon para mapanood ang laro ng Gilas Pilipinas laban sa South Korea sa quarterfinals ng FIBA Asia Cup 2017. 

Dalawang oras pa lang bago ang game, mainit na ang reaksyon ng mga Pilipino sa stadium dahil ilang oras silang hinarang sa labas.

"Ang dami–dami namin dito, bina–block nila ang ticketing booth. Handa naman kami magbayad para sa aming suporta sa Pilipinas Gilas," pahayag ni Rica Rosales.

Sa loob ng stadium, walang tigil ang hiyawan ng mga Pinoy sa bawat shot ng Gilas, kahit unti–unting lumalaki ang lamang ng South Korea.

Nagtapos ng 18–26 ang first quarter.

Sa second quarter, nagtapatan ang dalawang team. On fire si Terrence Romeo at nakakuha ng kagila–gilalas na 22 points pero hindi pa rin nakahabol ang Gilas sa South Korea sa score na 49-57. 

"Hirap ang ating manlalaro sa buddy–buddy o sa three–point shooting. Talagang hirap na hirap tayo at meron din mga pagkakataon na halos ang bola nasa loob na, lumalabas pa," sabi ni Efren Bondad.

Nagkaroon ng alitan sa third quarter.

Dismayado ang mga Pinoy nang matapos ang laro. Panalo ang South Korea 118-86 laban sa Gilas at naunsyami ang pangarap ng Pilipinas na makasama sa finals.

Gayunpaman, proud ang mga Pinoy sa ipinakitang gilas ng team sa buong FIBA tournament.

"Parte ng laro 'yan. Sa quarterfinals o sa elimination ay napakita natin 'yong abilidad ng mga Gilas na manlalaro," dagdag ni Bondad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.