Jimmy Alapag, inanunsyong bagong coach ng Alab Pilipinas

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2017 06:09 PM | Updated as of Aug 14 2017 06:11 PM

Inanunsyo ng Alab Pilipinas na si Jimmy Alapag ang bago nilang head coach para sa 2017-2018 ASEAN Basketball League (ABL).

Si Alapag ang team captain ng Gilas Pilipinas na naging susi sa silver medal finish sa 2013 FIBA Asia Championships.

"It's really an exciting opportunity and I want to thank Alab for bringing me on as their head coach... I think 'yung goal namin this year is to compete for the championship. Last year, they were really close to the finals and hopefully we can get there and bring the first championship for Alab," ani Alapag.

Pangako ni Coach Alapag sa fans ang mas exciting na team na kakatawan sa bayan sa ABL.

Sa Lebanon naman, wala pa ring talo ang mga Pinoy sa 2017 FIBA Asia Cup.

Naka-clean sweep ang Gilas sa first round matapos daigin ang China, Iraq at Qatar.

Bilib naman ang dating Olympian na si Freddie Webb sa pag-coach ni Chot Reyes.

Ani Webb, perfect coach si Reyes para sa team na kahit alam niyang desbentaha ang height ng mga Pinoy, mayroon pa rin namang mga mabibilis na player na makadadala at makapapasa ng bola.

Taas-kamay din si Webb kay Terrence Romeo, "He's unbelievable (Terrence Romeo). Let's face it, he's the key."

Sa Miyerkoles ang susunod na laban ng Gilas sa knockout quarterfinals stage ng FIBA Asia Cup at makakalaban nila ang mananalo sa Japan at Korea.

Samantala, nagpakitang-gilas naman ng kaniyang natatanging 'dunk moves' ang YouTube sensation na si Jordan Kilganon sa isang exhibition sa History Con sa Pasay City nitong weekend.

Ipinamalas ni Kilganon, na tinaguriang 'best dunker in the world' ang kaniyang mga high flying acrobatic moves. 

Sa huli, tinalo niya ang apat na hosts ng history channel shows sabay pumihit ng patalikod sa ere para sa no-look behind the back slam dunk.

Nakasama ni Kilganon sa special slam dunking exhibition ang Pinoy na professional dunker din na si David Carlos, na may taas na 5'9.

-- Ulat ni Tj Manotoc, ABS-CBN News

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.