5 pulis, humakot ng mga medalya sa World's Toughest Cops Games sa Amerika

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2017 07:52 PM

Pinatunayan ng grupo ng limang miyembro ng Philippine National Police na hindi lang sila magaling lumaban sa mga krimen kundi pati na sa paglaban sa larangan ng palakasan.

Nakasikwat ang mga Pilipinong pulis ng tatlong gintong medalya, dalawang silver at dalawang bronze medal sa World Police and Fire Games sa Los Angeles sa Amerika.

Mula sa boxing hanggang sa taekwondo, tuwang-tuwa ang lima na mapabilang sa 'world's toughest cops.'

Kabilang sa mga nag-ambag sa karangalan ng Pilipinas si PO1 Eva Santiago na nagkamit ng dalawang ginto para sa bansa.

"I'm so happy na gold medalists ang Team Pilipinas sa taekwondo," ani Santiago.

Sa boxing, bagama't kinapos si Jose Daryl Sobretodo sa medalyang ginto dahil sa split decision sa kalabang Mexican-American, masaya pa rin siyang mag-uuwi ng silver medal sa kaniyang kauna-unahang pagsabak sa World Police and Fire Games.

"I'm happy to fight for final bouts and I do my best but I guess it's not enough but maybe next time if I have the opportunity," aniya. 

Plano nilang lumahok muli sa world's toughest cops games sa 2019 sa Chengdu, China.

-- Ulat ni Steve Angeles, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.