Tim Reed, 'three-peat' champion sa Ironman 70.3

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2017 07:14 PM | Updated as of Aug 08 2017 01:09 AM

Inangkin muli ng Australyanong si Timothy James Reed sa ikatlong magkasunod na taon ang men's elite division ng Ironman 70.3 Philippines na ginanap sa Cebu nitong Linggo, Agosto 6, 2017.

Nasiguro ni Reed ang kanyang "three-peat" sa oras na 3:54:07 sa Shangri-La's Mactan Resort & Spa laban sa pumapangalawang Mexicano na si Mauricio Mendez sa talang 3:56:46.

Nakuha naman ni Ryan Fisher ang ikatlong puwesto sa oras na 4:00:20.

Sa women's elite division naman, nanguna si Amelia Watkinson sa oras na 4:29:17.

Maliban sa mga dayuhan, nanalo rin ang mga atletang Pinoy sa nasabing laro.

Lumahok din ang grupo ng mga atletang persons with disabilities (PWDs) sa relay category.

Laking tuwa ng grupo ng PWD athlete na si Arnold Balais dahil natapos nila ang triathlon sa mahigit apat na oras.

Maliban sa grupo nila Balais, nagpakitang gilas din ang ibang atletang Pinoy.

Nakuha ng 24 na taong gulang na si Banjo Norte ang 1st place sa Filipino elite all male category.

Samantala, isang triathlete naman ang hindi na nakaabot sa finish line at binawian na ng buhay.

Dinala pa ang atleta sa Mactan Doctor's Hospital matapos matagpuan sa tubig ng Shangri-La Mactan kung saan nagsimula ang triathlon.

Kinumpirma ni Senior Inspector Rommel Cabagnot, hepe ng Lapu-Lapu City Police Office na deneklarang dead on arrival ang atleta noong 8:45 ng umaga.

Sa pahayag ng mga organizer, nangailangan ng atensiyong medikal ang atleta sa unang bahagi ng karera at maayos na naidala sa malapit na ospital.

Dinala rin sa ospital si PO2 Brian Guillen ng Tribu Lapu-Lapu Team 2 matapos mag-collapse ilang metro malapit sa finish line.

Sinubukang magtapos ni Guillen sa ikalawang lugar ng relay division nang mag-collapse. Kasalukuyan siyang nasa ospital para magpagaling.

May mga atleta rin na nakaranas ng dehydration at pagkahilo dahil sa init ng panahon.

Agad naman itong nirespondehan at binigyan ng paunang gamot.

Higit sa 2,000 na mga atleta ang nagpakita ng kanilang bilis sa paglangoy, pagbisikleta at pagtakbo.

Hindi rin alintana ng mga taong sumusuporta sa kanilang mga idolo ang init ng panahon. Lalong naghiyawan ang mga tao nang makita ang iilan sa mga Kapamilya star gaya nila ni Matteo Guidecilli, Piolo Pascual at Gerald Anderson.

-- Ulat ni Charry Coronel, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.