TINGNAN: Players na ginawang Customs agents, sumahod ng P50k kada buwan

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2017 08:03 PM

Base sa mga kontratang nakuha ng ABS-CBN News Biyernes, lumalabas na P50,000 ang buwanang sahod ng ilan sa mga atletang nagtrabaho bilang agent sa Bureau of Customs (BoC). 

Ito ang halagang ibinayad sa dating mga PBA players na sina Kenneth Duremdes at Marlou Aquino at nakalahad sa kontratang may bisa mula ika-1 ng Enero hanggang ika-30 ng Hunyo ngayong taon.

Kinuwestiyon ngayong linggo ni Deputy Speaker Raneo Abu kung bakit nasa payroll ng BoC ang mga atletang tulad nina Duremdes, Aquino at volleyball star na si Alyssa Valdez.

Dinepensahan naman ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon ang pagkuha sa mga atleta at paggamit sa kanila bilang intelligence agents at technical assistants.

"They are the most effective information gatherers because nobody expects them to be a part of our intelligence group. Now they are no longer effective because they have been exposed," ani Faeldon.

Dagdag pa ni Faeldon, pinaigting umano ng pagkuha sa mga atleta ang samahan ng mga empleyado.

Ayon sa kontra nina Duremdes at Aquino, sila ay inasahang magbigay ng ayudang teknikal at adminstratibo sa mga special projects ng commissioner. 

Kasama rin sa kanilang responsibilidad ang pagkalap ng iba't ibang datos at pagkumpleto ng mga "complex and time-sensitive reports as required by the commissioners and/or as necessary."

 
 
 
 
 
 
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.