Mga atletang Pinoy sa billiards, volleyball sa SEA Games, handa na

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2017 08:17 PM | Updated as of Aug 03 2017 11:47 PM

Inspirado na muling sumabak sa kompetisyon ang bagong World Games gold medalist sa billiards na si Carlo Biado na kababalik lang ng Pillipinas galing sa nasabing event sa Poland.

Tinalo ni Biado ang taga-Great Britain na si Jayson Shaw sa finals 11-7 para makuha ang unang ginto ng Pilipinas mula sa World Games.

Matagal na inasam ni Carlo na makuha ang kampeonato kaya natutuwa siya na nagbunga ang kanyang pagsisikap at dedikasyon sa ensayo para sa World Games.

"Inspirasyon ko talaga baby ko iniisip ko sila pamilya ko kapag nag-messenger kami sumisigla ako," aniya.

Susunod na susungkitin ni Biado ang ginto sa Southeast Asian (SEA) Games kasama ang 18 anyos na si Cheska Centeno na galing rin sa World Games. 

Dumating naman galing Japan ang national women's volleyball team na sumailalim sa 17 araw na kompetisyon sa Osaka.

Nakatulong sa pagtaas ng morale ng team ang anim na oras sa isang araw nilang ensayo. Umangat umano ang kanilang "skills" at marami silang natutuhan sa intensibong ensayo sa Japan.

Masaya naman ang coach ng national women's volleyball team na si Francis Vicente sa kinalabasan ng training. Mas mabilis na raw ang team at gumanda ang "chemistry" sa court.

"Mabilis talaga lahat doon sa talagang kailangan nila mag step up ... Attitude talaga, really good. Imagine all of them are superstars and they were able to talk well amongst each other," ani coach Vicente.

Asian Seniors Championships sa Laguna ang susunod na kompetisyong sasalihan ng koponan. Una nilang makakalaban ang Hongkong sa Agosto 9.

Diretso sa SEA Games sa Malaysia ang koponan pagkatapos ng Asian Seniors. --Ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.