Ano ang balak ni Bata Reyes kapag siya ay nagretiro?

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2017 10:35 PM | Updated as of Aug 02 2017 01:21 AM

Wala pang balak magretiro sa billiards ang tinaguriang "greatest pool player of all time" na si Efren "Bata" Reyes.

Lumalaban pa rin sa mga torneo ang 62 anyos na billiards player na mahigit limang dekada na sa sport.

Sa katunayan, pinaghahandaan pa ni Reyes ang muling pagsabak sa Southeast Asian Games sa Malaysia ngayong buwan.

Nanalo na ang tinaguriang "The Magician" ng dose-dosenang international titles, kabilang na ang world championships.

Taong 1987 nang makuha niya ang dalawang gold medal sa Jakarta Sea Games sa English billiards event. Ito rin ang parehong event na sasalihan niya sa Agosto sa Malaysia SEA Games.

"Ang iniisip ko lang mananalo ako. 'Pag inisip mong talo ako, lahat ng klaseng nerbiyos mararamdaman ko. Kaya isipin mo laging panalo," ani Reyes.

Kahit hindi na kasing talas tulad ng dati, tadtad pa rin ng mga laban ang kanyang schedule.

"Mahirap hindi kamukha ng dati iyong tira ko, ngayon sa edad ko wala na iyong pulso ko. Iba na kapag naglalaro ako, malikot na ang katawan ko," aniya.

Matapos ang SEA Games, lalaban pa siya sa indoor games sa Turkmenistan sa Setyembre, all Japan sa Nobyembre at derby classic sa America sa Enero 2018.

"Kapag nag-retire ako hindi na ako lalaban sa malalayo, dito nalang sa malalapit. Pero maglalaro pa rin ako," aniya.

Pilipinas pa rin ang tinitingala sa international billiards competition dahil na rin sa pambihirang tagumpay ng legend na si Bata Reyes.

Nagkamit ng 3 ginto ang billiards team ng Pilipinas noong 2015 SEA Games.

Nasa gitna rin ng training para sa SEA Games ang 6-time gold medalist na si Rubilen Amit. 

"Noong 11 ako pinuntahan ko si Bata doon sa Ninoy Aquino... ang tawag ko sa kanya tatay.... sobra tulong niya tinuturuan niya kami, ang idol ko iyong ugali niya sa labas rin," ani Amit.

Magsisimula sa Agosto 22 ang billiards at snooker competition sa Malaysia SEA Games. --Ulat ni Dyan Castillejo ABS-CBN News

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.