'Hindi para sa pera': Kampo ni Matthysse, lalaban para sa karangalan

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2018 08:39 AM

KUALA LUMPUR -- Ilang linggo bago ang nakatakdang bakbakan sa Hulyo 15, lumabas ang isyung maaaring hindi matuloy ang labang Manny Pacquiao-Lucas Matthysse sa Malaysia. 

Ayon sa mga ulat na lumabas, kulang pa umano ang bayad ng promoter ng laban na MP Promotions, hawak ni Pacman, sa grupo ni Matthysse. Hindi umano nasunod ang napagkasunduang araw ng bayaran.

Ngunit sa hinaba-haba man ng prusisyon, sa boxing ring pa rin ang tuloy ng parehong kampo. 

Sa huling press conference ng labang tinaguriang "Fight of Champions", binigyang diin ni Mario Arana, manager ni Matthysse, na hindi sila tatapak sa ibabaw ng lona dahil sa pera, lalaban sila para sa karangalan at tagumpay ng Argentinian boxer. 

"We are not here for paycheck," ani Arano nitong Huwebes. "We are here for glory for Lucas Matthysse. He is the champion."

Ayon kay Arano, ang laban sa Linggo ay isa sa magiging pinakaimportanteng boxing match sa kasaysayan ng South America dahil si Pacquiao ang kakaharapin nila, ang isa sa pinakamahusay na pound-for-pound boxer sa boksing. 

Pero hindi aniya bibigay ang kaniyang alaga kontra sa mas beteranong boksingero. "He [Lucas] is not gonna come up and give his title away. We are presenting the most important fight in South America in the last 10 years."

Sumang-ayon din dito ang punong tagapagsanay ni Matthysse na si Joel Diaz na sinabing hindi madaling kalaban ang pambansang kamao pero babalik sa Argentina ang korona.

"Facing Manny Pacquiao is a tough task but nothing is impossible. Lucas Matthysse is not here for paycheck he's here to bring back the crown home, to his family and people," pahayag ni Diaz. 

Kahit si Pacman ang challenger sa laban sa Axiata Stadium, hindi aniya maituturing na underdog ang Pilipinong boksingero kahit kailan, kahit pa si Matthysse ang nagdedepensa ng korona.

"Matthysse is the champion but still we are facing a legend, one of the best fighters in the history of boxing. So with that being said, Manny Pacquiao has earned his position as part of the best fighters [in the world]," sabi ni Diaz sa ABS-CBN News. 

Ayon pa kay Diaz, si Pacquiao ang laging paboritong boksingero tuwing ito ay aakyat sa ring, kampeon man siya o hindi. Ngunit ito rin ang dahilan ng kampo ni Matthysse kung bakit gustong-gusto nilang talunin si Pacquiao sa ring.

"That's what we appreciate the most, that we are facing Manny Pacquiao which is the favorite fighter. You enjoy the vicotries more when you beat the favorite fighter," dagdag ni Diaz. 

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.