Pacquiao, Matthysse, nag-iipon ng lakas para sa laban

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2018 09:52 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Mahimbing daw ang tulog ni Lucas Matthysse sa Kuala Lumpur, Malaysia, ilang araw bago ang malaking title defense kay Senador Manny Pacquiao. 

Ayon sa Argentinian, magre-relax na lang siya sa mga susunod na araw. 

Pero siguradong mag-aapoy siya pagtunog ng bell sa kanilang laban ni Pacman. 

Ayon pa sa Team Matthysse, may sekretong punch ang boksingero mula sa Argentina na maaaring magpatulog kay Pacquiao. 

"We know his team has a plan but we also have a plan... He's gonna see whose plan's gonna work better," ani Joel Diaz, head coach ni Matthysse.

Ayon sa beteranong Latino boxing commentator na si Juan Larena, malaki ang interes sa laban na ito sa Latino community.

"It's big. Let's put it this way, in Argentina it [boxing] is big because of Matthysse. But with other territories, Mexico plus Central America plus South America, they'll be for Pacquiao," sabi ni Larena.

TEAM PACQUIAO

Nakatutok ngayon ang Team Pacquiao sa pagtitiyak na may sapat na pahinga ang senador para may maipong enerhiya sa laban. 

Nakadalawang sesyon na siya ng pitong kilometrong takbo sa Perdana Park.

Inensayo niya rin ang mga kamay at paa. 

"Hindi ko pinipilit ang sarili ko na gumising nang maaga, kailangan bawi sa pahinga," ani Pacquiao. 

Tiwala si head coach Buboy Fernandez na isang eksplosibong Pacquiao ang makikita ng mundo sa Linggo, Hulyo 15. 

"Kung sabi nga nila 'may basagan ng mukha,' ako isa lang sabi ko: kapag binuksan ni Matthysse ang pintuan, talagang papasukan natin siya," ani Fernandez.

Bukod sa maging world champion muli, nais din ni Pacquiao na mag-promote pa ng mga boxing event sa ibang Asian region para mabigyan ng break ang marami pang boksingero mula sa Asya.

-- Ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.