Bading, iskolar, nanay, nagpabilib sa weightlifting

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2017 10:25 PM | Updated as of Jul 11 2017 01:59 AM

Pinatunayan ng ilang weightlifter na wala sa estado ng buhay o kasarian ang pagtatagumpay sa anumang klase ng palakasan.

Umabot sa 140 kilograms ang binuhat ni Odelon Simpao sa Hidilyn Diaz Open Weightlifting Championship, kung saan nanalo siya ng ginto sa kaniyang division. 

Isa ring fashion designer at stylist si Simpao na proud member ng lesbian, gay, bisexual, transgender (LGBT) community. 

Ayon kay Simpao, sa larangang dinodomina ng mga lalaki, hindi niya naramdaman ang diskriminasyon.

“Gusto kong maging inspirasyon sa LGBT na kung kaya kong gawin ito, sila rin kaya nila,” ani Simpao. 

Nanalo rin ng gold medal si Nestor Redulla nang maiangat niya ang barbell na may timbang na 152 kilograms. 

Natapos niya ang pag-aaral bilang iskolar dahil sa weightlifting, at natulungan ang pamilya sa kanilang sari-sari store. 

Gusto niyang patunayan na hindi hadlang ang kahirapan sa tagumpay.

Silver medal naman ang inuwi si Joyce Reboton nang umabot sa 99 kilograms ang kaniyang binuhat sa ‘clean and jerk’ category. 

Pursigido pa rin siyang mag-ensayo at lumaban kahit isa na siyang full-time mom.

Ayon sa Pinay Olympic silver medalist na si Hidilyn Diaz, gusto niyang ipakita sa sinimulang kompetisyon na puwedeng maging atleta sinuman. 

“Ang gusto ko, iyong mga babae na sumali, pati iyong mga nagba-‘bakal’ gym. Dito sila,” paghihikayat ni Diaz.

Umaasa rin siya na dumami ang maengganyo sa weightlifting at masundan pa ang kaniyang inuwing karangalan mula sa Olympics para sa bansa. 

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.