Pacquiao, naging 'desperado' kay Horn: boxing analyst

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2017 06:16 PM

Naniniwala ang boxing analyst na si Atty. Ed Tolentino na sapat ang ginawa ni Manny Pacquiao para makahabol at manalo laban kay Jeff Horn.

Sa kabila ng pagiging agresibo ng Australyanong si Horn sa first half ng laro, inangkin naman umano ni Pacquiao ang second half na binigyan niya ng iskor na 116-112 pabor sa Pinoy.

"Maganda ang naging simula ni Jeff Horn. Lamang nga siya after 7 rounds in my opinion e. Pero umarangkada naman si Pacquiao sa second half ng laban," ani Tolentino.

Pero ayon kay Tolentino, kahit ibigay ng mga judge ang desisyon pabor kay Pacman, batid na iba na ang laro ni Pacman kumpara sa dati.

Wala siya umanong nakitang fight plan para sa pagpapatumba ni Pacquiao kay Horn. Samantala, siguradong lubos na pinaghandaan ito ng challenger.

"The idea was to really bully Manny Pacquiao, run over him, show no respect to the legend... part of the strategy was not to lose so much weight. He was really planning to get heavy so he can throw his weight to Manny Pacquiao," aniya.

Hinayaan lang umano ni Pacquiao na i-'bully' siya ng Australyanong boksingero.

"What really alarmed me when I saw Jeff Horn coming in, Pacquiao stepped back... The old Pacquiao would have to take it in head on," sabi ni Tolentino.

Dagdag niya, naging matipid sa suntok ang Pambansang Kamao.

Naging desperado rin umano si Pacquiao pagdating ng Round 9 kaya nagpaulan ng suntok sa Australyano.

"That kamikaze attack of Manny Pacquiao, that is not Manny Pacquiao. Manny Pacquiao does not make a kamikaze, desperate attack. Every attack from Manny Pacquiao is calculated search and destroy... this was a desperate Manny Pacquiao," aniya.

Naagaw ni Horn ang WBO welterweight title ni Pacquiao sa kanilang laban sa Brisbane, Australia nitong Linggo, Hulyo 2.

Bumagsak sa 59-7-2 win-loss-draw ang record ni Pacquiao habang nananatiling walang talo si Horn sa 17-0-1.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.