Mga katutubo, nagpakitang-gilas sa Palawan Tribal Olympics

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2017 04:45 AM

PALAWAN – Ipinamalas ng mga katutubo ng Palawan ang yaman ng kanilang angking galing sa mga palaro sa isinagawang Palawan Tribal Olympics noong Linggo sa Ramon V. Mitra Sports Complex.

Nagtipon ang nasa 300 katutubo mula sa iba’t ibang munisipyo ng Palawan na binubuo ng limang tribu - ang tribung Batak, Palaw’an, Tagbanua, Tangdulanen at Cuyonon.

Nagsimula ang ideya ng tribal olympics nang isagawa ito noon ng Western Command sa bayan ng Rizal.

“Nakita natin ang husay ng ating mga katutubong atleta naisip natin na we can do something province wide,” ani Captain Cherryl Tindog, tagapagsalita ng Western Command.

Ipinamalas ng mga katutubo ang kanilang galing sa iba’t ibang palaro gaya ng paggamit ng pana, sibat, kadang kadang, lubok, supok, akyat yantok, at takbuhan ng nakayapak.

“Naniniwala tayo na vulnerable group sila, para hindi manatiling vulnerable gusto natin silang ma-empower and one way is sa pamamagitan ng sports,” ani Tindog.

Dinaluhan din ang aktibidad ni Jeff Tamayo ng Philippine Olympic Committee na sinigurong patuloy ang kanilang paghahanap sa mga atletang katutubo na lalaban sa olympics.

Tinitignan naman ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan na gawing taunang aktibidad ang tribal olympics.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.