UAAP, NCAA volleyball coaches nagsimula nang mag-recruit mula sa Palaro

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2018 03:56 PM | Updated as of Apr 17 2018 05:02 PM

Abala sina Adamson Lady Falcons coach Air Padda, De La Salle Lady Spikers assistant coach Noel Orcullo at UP Lady Maroons coach Godfrey Okumu sa panonood ng mga laro sa 2018 Palarong Pambansa sa Ilocos Sur. Mark Demayo, ABS-CBN News

ILOCOS SUR -- Mainit na ang aksyon sa 2018 Palarong Pambansa sa Ilocos Sur ngunit tila mas mainit ang kompetisyon ng mga coach ng iba't ibang unibersidad sa Manila sa pagkuha ng maaaring maging manlalaro nila.

Sa ikalawang araw ng bakbakan sa volleyball court, kanya kanyang puwesto sina Adamson University Lady Falcons head coach Air Padda at University of the Philippines (UP) Lady Maroons head coach Godfrey Okumu sa loob ng Sto. Domingo Municipal Gymnasium.

Nanonood din ang assistant coach ng De La Salle University Lady Spikers na si Noel Orcullo, San Sebastian Lady Stags head coach Roger Gorayeb, dating UP coach Jerry Yee, at mga miyembro ng coaching staff ng University of Santo Tomas (UST) Tigresses.

Sa napipintong pag-alis ng main gunners ng Lady Spikers na sina Kianna Kim Dy, Majoy Baron at Dawn Macandili, nais siguruhin ni Orcullo na magtutuloy ang magandang programa ng La Salle sa women's volleyball.

"Vital positions ang mawawala sa amin like position ni Kianna (Dy), Majoy (Baron). May mga senior high school naman tayo kaso hindi lahat 'yung ga-gradaute ng Grade 12 ngayon," ani Orcullo.

Binigyang diin din ni Orcullo na pinaka-hinahanap ng kaniyang koponan ay matatangkad na middle blockers at ang papalit sa posisyon ni Macandili na minsang kinilala bilang isa sa pinakamagaling na libero sa Asya. 

"By Season 81, wala pa talaga [middle blockers]. 'Yung senior high namin by Season 82 pa," pahayag ni Orcullo. "'Yung posisyon ni Macandili, big shoe to fill talaga 'yun kaya sana makakita."

Marami na ring nakausap ang Adamson kung saan mismong si head coach Air Padda ang pumunta sa Ilocos Sur upang manood ng mga laro. 

Ayon sa kanya, may ilan na silang nakausap na nag-commit na sa volleyball program ng unibersidad pero tumanggi muna siyang pangalanan ang mga ito. 

"We've talked to some. I think we're getting a good turnout. Adamson is being more attracted now, being an option now," kuwento ni Padda sa ABS-CBN News. 

Inamin din ng coach ng Lady Falcons na higit niyang tinitingnan ang height at athleticism ng mga bata sa Palarong Pambansa. Agaw pansin din sa kaniya ang attitude para sa isang manlalaro. 

Hindi naman aniya magpapahuli ang kaniyang paaralan sa pagkumbinsi ng mga batang atleta lalo pa't kaya na rin nila umanong makipagsabayan sa pondo at maayos na coaching. 

Higit lalo, kaya rin ipangako ng Adamson na hindi mababangko ng ilang taon ang mga kukunin nila hindi kagaya ng ibang eskuwelahan na may ilang hindi nabibigyan ng playing time.

"Everyone deserves a chance. These girls have dreams. Their dream is to play for UAAP for 5 years, not for 2 years," sabi ni Padda. "They have the opportunity to make history at Adamson; the opportunity to be the first team to get the championship."

Hanga rin si UP coach Okumu sa husay ng mga batang manlalaro ngunit nakukulangan pa ito sa liksi ng mga atleta sa loob ng court na ayon sa kaniya ay kailangan lalo na sa kompetisyon sa kolehiyo.

Hindi rin naman nagpatinag sa UAAP ang NCAA coach na si Nemesio Gavino ng San Beda University na may mga kinausap na ring mga manlalaro na maaaring pumunta sa Red Lions. 

"So far 'yung mga bata, nakita namin na marami ang puwedeng makuha kasi 'yung volleyball sa Pilipinas umangat na talaga," pagbabahagi ni Gavino.

Lininaw din niya na wala siyang maipapangako sa mga kinakausap na atleta bukod sa mga binibigay lang ng paaralan. 

"Basta ako, wala naman akong concern kung nandiyan ang UAAP. Kung ano lang ino-offer ng school 'yun lang. Totoo lang ako," dagdag nito. 

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.