Atleta mula Pangasinan, isinukbit ang unang ginto ng Region 1 sa Palaro

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2018 08:09 AM | Updated as of Apr 17 2018 10:16 AM

Nasikwat ni Francis James San Gabriel ng Region 1 ang gintong medalya sa 2000m walk sa 2018 Palarong Pambansa sa Quirino Stadium, Ilocos Sur Martes. Mark Demayo.

BANTAY, Ilocos Sur - Sigaw ng mga kakampi at isang hakbang lamang ang naging puhunan ni Francis James San Gabriel upang ibulsa ang unang gintong medalya ng host Ilocos Region sa 2018 Palarong Pambansa sa Quirino Stadium Martes. 

Dikdikan ang naging bakbakan ni San Gabriel kontra sa nagdedepensang kampeon mula National Capital Region hanggang sa huling metro ng laban sa 2000m walk ng secondary boys. 

Sa huling 100 metro, nasa harapan pa ng 17-anyos na mananakbo sa Region 1 ang NCR at ramdam na niya ang pagod at kaba. Ngunit narinig nito ang sigaw ng mga teammate na naging sapat upang makahugot ng kaunti pang kalakasan sa oval. 

"Nung nakarating kami sa last 100 meters halos hindi ko na kakayanin. Sobrang pagod na tapos kinakabahan natalaga ako noon," lahad ni San Gabriel sa ABS-CBN News. 

"Nung nakita ko po 'yung sigawan nung mga ka-team ko po parang nabuhayan ako. Nakapadagdag ng lakas para makauna ako kahit isang step lang."

Hindi aniya inasahang mananalo siya ng ginto sa Palaro ngayong taon lalo pa't alam ng Grade 10 student ng Umingan Central National High School na malakas pa rin ang pambato ng NCR. 

Ito ang kauna-unahang niyang ginto sa Palarong Pambansa simula nang makasali sa patimpalak noong 2016.

Nagsimula siyang maging atleta noong siya ay Grade 7. Nais man niyang maging manlalaro sa elementarya pa lamang ngunit pinagbawalan siya ng kanyang lolo at lola dahil takot silang masaktan ito. 

"Nung Grade 4, gusto ko na maging athlete pero 'di pa ko pinayagan ng lola ko kasi ayaw nila madisgrasya ako. Kaya nung high school na lang ako pinayagan," kuwento ni San Gabriel na umaasang makukuha ng mga unibersidad sa Maynila. 

Laki sa lolo't lola si San Gabriel dahil sa Maynila na nagtatrabaho ang kanyang ina bilang isang hotel staff. 

Hinahanap man minsan ang kanyang magulang, naging mabuti naman sa kanya ang kanyang mga lolo't lola sa Pangasinan.

"Since Grade 3 nasa lolo ko na po ako. Hindi po ako kayang alagaaan ng magulang ko kasi hiwalay ang mama at papa ko. 'Yung mama ko 'di niya kami [kuya ko] maasikaso kaya dinala ako sa mga lola ko," ani San Gabriel. 

Inamin nitong hindi rin nakakapanood ng live ang kanyang magulang at mga lola't lola tuwing may takbo siya dahil na rin sa kalayuan ng mga venue at trabaho. 

"Minsan, inaabangan nila laro ko sakaling mapapanood sa TV o kaya babalitaan ko na lang po sila."

Hindi naging madali ang panimula ni San Gabriel sa isport lalo pa't madalas siyang bigong umusad sa higher meet noong siya ay Grade 7. Ngunit sa payo ng kaniyang magulang na magpursigi sa pag-eensayo, unti-unting lumakas ang atleta. 

"Sabi ng magulang ko, maging masipag lang ako sa training. Huwag ko raw po papabayaan baka sakaling makatulong ako sa kaniya [ina] pagdating sa college kunin ako ng mga universities para libre pag-aaral," pagbabahagi ni San Gabriel. 

Nang tumuntong ng Grade 8 nakapasok na ito sa Palarong Pambansa at nakasungkit ng tansong medalya. Muli siyang nakapasok sa kompetisyon noong Grade 9 ngunit bigong makakuha ng medalya.

Hangad ni San Gabriel na ma-recruit siya sa Maynila. "Gusto ko sana sa UST. Kaso may magaling na silang player pero baka sakaling kunin din nila ako."

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.