PBA: Arwind Santos sa kantyaw ng mga Kabs -- 'Ini-enjoy ko na lang pang-aasar nila'

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2018 08:36 AM | Updated as of Mar 14 2018 08:38 AM

Arwind Santos sa mga fans ng Ginebra? Bring it on. Richard Esguerra, ABS-CBN Sports

Pikon-talo. Iyan tila ang mensahe ni Arwind Santos sa gitna ng pakikipagpalitan niya ng kantyaw sa fans ng Barangay Ginebra.

Nanalo ang Ginebra 95-87 sa Game 3 Martes, para gawing 2-1 na lamang ang best-of-7 semifinals sa PBA Philippine Cup na pabor pa rin sa San Miguel Beer.

Sa seryeng ito, malinaw kung sino ang public enemy No. 1 ng mga "Kabs," ngunit inamin ni Santos na di siya apektado sa mga patutsada nila sa loob ng court.

"Never akong mapipikon ng fans," pahayag ng San Miguel forward at dating MVP winner.

Tuwing na kay Santos ang bola o tinatawagan ng foul, pinauulanan siya ng hiyaw ng mga maka-Ginebra. 

Todo-sakay naman sa larong ito ng inisan si Santos, na ipinakikita sa mga fans na tila lumalakas pa siya sa gitna ng kanilang ingay. Kung di direktang nakikipagsagutan, ine-engganyo pa ni Santos ang mga basher sa pamamagitan ng iba't ibang kilos niya sa loob ng court.

"Ako kasi ever since, sinilang ako sa isang lugar na magulo. Marami akong kaibigan na magaling mang-asar," ani Santos.

"Ini-enjoy ko na lang pang-aasar nila. Ako, wala akong naririnig kung anuman sinisigaw nila, pero sila may nakikita sila."

Kapag kalaban ang Barangay, importante kay Santos ang isang bagay: "Focus mo sarili di mawawala kahit papaano."

Nakapagtala ng 13 points at 6 na rebounds si Santos sa Game 3, bukod sa isang flagrant-1 foul na tinawag sa kaniya na ikinatuwa naman ng mga Kabs.

Nang tanungin pagkatapos ng Game 3 ang dahilan ng kanilang pagkatalo, may mga "anino" umanong nakita si Santos sa laro.

"Parang ganu'n, kaya nahihirapan kami bantayan kasi 5 'yung kalaban pero nagiging 8. Ewan ko kung sobrang bilis kaya may shadow?" ang akusasyon ni Santos na padaplis sa tawagan ng mga referee.

Pero dagdag ni Santos, bahagi na ng nakaraan ang mga naganap nitong Martes.

"Sa akin lang, Game 4 kailangan makuha namin iyon," aniya.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.