PBA: Guiao, aminadong magiging sakit sa ulo ang dating player na si Paul Lee

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 10:36 PM

Sa tulong ni Paul Lee, starting point guard ngayon ng Magnolia, nanalo ng 2 kampeonato ang Rain Or Shine sa ilalim ni coach Yeng Guiao. File/PBA Media Bureau

Matapos magbunyi ang koponang NLEX sa kanilang 2-0 sweep kontra Alaska sa PBA Philippine Cup quarterfinals, inamin ni coach Yeng Guiao na di magiging madali ang susunod na kakalabanin ng Road Warriors.

Sa semifinals, makakaharap ng NLEX ang Magnolia, na pinangungunahan ni Paul Lee, ang point guard na drinaft ni Guiao noong 2011 at minsa'y naging kasama ni coach sa 2 kampeonato.

"I think he's the biggest problem cause I know him that well," ani Guiao. "Kilala ko siya, kaya alam kong malaking problema namin si Paul."

Isa sa premyadong guwardiya ng liga ngayon si Lee, na kilala sa pagiging mainit na shooter at husay niya sa pag-set up ng mga kakampi para maka-iskor.

Kung di lang sa mga injury, maaaring nakapasok na ang Magnolia sa finals o di kaya'y nanalo na ito ng championship.

Ayon kay Guiao, ang versatility ni Lee ang magbibigay sa kaniya ng sakit ng ulo.

"It's really controlling Paul. He can easily get a double-double in scoring, passing . . . To me, I think he's the key," pahayag ni Guiao.

Bukod kay Lee, pinalalim pa nina Mark Barroca at Jio Jalalon ang backcourt ng Magnolia.

Ngunit may sagot naman ang NLEX sa katauhan nina Kevin Alas at rookie Kiefer Ravena, na naging magkakampi kamakailan sa Gilas Pilipinas.

Ani Ravena, bagamat masaya ang koponan na nakapasok ito sa wakas sa semifinals matapos ang may 4 na taon sa liga, di ibig sabihin na tapos na ang kanilang misyon.

"We guarantee that we're here and we're not here not just because masaya na kami, kontento na kami na nakapasok na kami sa semis,” paliwanag ni Ravena sa isang artikulong ipinost sa Spin.ph. 

"We're gonna fight for it, we're gonna fight for that finals slot.”

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.