ABL: Hangad ni Renaldo Balkman ng Alab Pilipinas ang makabalik sa PBA

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2018 11:01 PM

Muling lumalabas ang galing ni Renaldo Balkman sa pagtulong niya sa San Miguel Alab Pilipinas sa kasalukuyang ASEAN Basketbal League.

Nasa ikatlong pwesto ngayon ang Alab sa standings matapos nitong ipanalo ang 9 sa huling 10 laro. Bago dumating si Balkman at Justin Brownlee, 1-3 ang kartada ng Alab at nanganganib na mapauwi ng maaga.

Magaganda ang mga numero ng dating NBA player, na umiiskor ng 21.8 points sa 9 na laro, samantalang mayroon din siyang averages na 11.8 rebounds at 2.1 blocks.

Higit sa lahat, hindi siya nasasangkot sa anumang gulo at tila model citizen na siya sa loob ng court.

Ayon sa panayam ni Norman Lee Benjamin Riego ng ABS-CBN Sports, sinisikap ni Balkman makabalik sa PBA.

“That’s the goal,” ani Balkman.

Banned sa PBA si Balkman matapos niyang pinagtutulak ang ilang mga game official, coach at ang mga kakampi niya sa Petron na sina Ronald Tubid at Arwind Santos.

Matapos nito ay sinakal ni Balkman si Santos. 

Nangyari ang insidente noong 2013. Ginigiit ni Balkman sa kaniyang pagbabalik-Pinas na nagbago na siya.

“I did lots of things since then and tonight, it wasn’t on my mind, it wasn’t on my head. I just went out there to play basketball,” aniya.

Habang plano niyang makalaro uli sa PBA, pangako ni Balkman na 100% ang kaniyang effort para sa Alab.

“Right now, it’s about the ABL and we can talk about the PBA later. We’re gonna finish this and see where it goes,” aniya.

(For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.)

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.