PANOORIN: Miami Heat coach Erik Spoelstra, sumabak sa #ALSPepperChallenge

ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2018 11:17 AM | Updated as of Jan 13 2018 03:59 PM

Hindi ininda ni NBA champion coach Erik Spoelstra ng Miami Heat ang maanghang na mga sili matapos sumabak sa #ALSPepperChallenge bilang pagtulong sa ina ng kaniyang kaibigan na may sakit na Amyotrophic Lateral Sclerosis o ALS.

 

Sa video na ini-upload sa Facebook account ng Miami, makikitang sabay kinain ng Fil-Am NBA coach ang dalawang sili bilang pagsuporta sa kasalukuyang sitwasyon ng ina ni Tom Haberstroh na si Patty, na nakikipaglaban sa sakit na ALS. 

Ayon kay Spoelstra, hindi lubusang napopondohan ang therapy para sa mga may sakit na ALS kaya naman hinikayat niya ang mga netizen na gawin ang #ALSPepperChallenge at mag-donate para sa mga may karamdaman.

Hinamon din nito ang kaniyang kaibigang sina David Fizdale, Jason Jackson, at Ira Winderman na alam niyang maaaring makaimpluwensiya sa maraming tao na gawin din ang challenge at magbigay tulong. 

Noong 2014, marami ang nakibahagi sa ALS Ice Bucket Challenge, kung saan binubuhusan ng isang balde ng mayelong tubig ang tumatanggap sa hamon upang makakalap ng donasyon. 

Ilang celebrities ang nakiisa sa kampanya. Kumalap ng higit $100 milyon ang viral na challenge na ito at napondohan ang ilang pag-aaral upang makahanap ng lunas sa sakit.