"Hulog ng Langit", nakatulong sa pagtanggal ng bukol ni Baby Raiza

ABS-CBN News

Posted at May 15 2008 04:54 PM | Updated as of May 16 2008 12:54 AM

 

abs-cbnNEWS.com

 

"Hulog ng Langit Case Study: Baby RAIZA DELOS REYES"

 

Isang ina sa Quezon Province ang humingi ng tulong matapos isilang ang kanyang sanggol na may kakaibang kondisyon.

 

Laking gulat ng mga doktor sa Magsaysay District Hospital sa Lopez, Quezon nang isilang ni Liezel Nares ang kanyang munting anghel na si Baby Raiza.

 

Ayon kay Dr. Yolanda Tenorio, ob-gynecologist ng ospital, nahirapan silang ilabas ang bata dahil sa bukol na nakakabit sa katawan niya.

 

Sabi naman ni Liezel, nagulat siya nang lumabas ang kanyang anak. "Pinasok po daw siya sa incubator kasi may isa daw po na hindi normal."

 

Sabi ni Dr. Emma Serdon, Magsaysay District Hospital Chief, nakadikit sa may puwitan ni Baby Raiza ang tila kakambal ng bata.

 

"Mapapansin niyo humihinga rin siya. Meron siyang isang paa. Undeveloped talaga siya. We are just wondering what is inside," sabi ni Dr. Serdon.

 

Batay naman sa resulta ng x-ray, nakitang tissue lang ang nakakabit, kaya sabi ng doktor, malaki daw ang pag-asa na matanggal ang bukol.

 

Ang problema, walang kakayahan ang Magsaysay District Hospital na magsagawa ng ganitong kaselang operasyon.

 

Wala ring kakayahang pinansyal ang mga magulang ng bata para mapatingnan siya sa doktor.

 

Nanawagan si Liezel na tulungan siya at ang kanyang anak.

 

Masakit man sa damdamin ng ina na mawalay sa bagong silang niyang anak, pumayag si Liezel na dalhin sa Maynila ng Hulog ng Langit si Baby Raiza upang mapatingnan sa mga espesyalista.

 

Maagap na sinuri ng mga doktor sa Philippine Children's Medical Center (PCMC) sa Quezon City ang kalagayan ni Baby Raiza.

 

Kinumpirma ng mga doktor na Sacrococcygeal Teratoma ang tawag sa kondisyon ni Baby Raiza.  

 

Ligtas at magaling na ngayon si Baby Raiza, sa pamamagitan ng mga taong nagpadala ng kanilang tulong sa pamamagitan ng Hulog ng Langit.

 

"Di siya conjoined twin, di parasitic, isa siyang mature teratoma. Ito ay isang klase ng bukol na nakikita natin sa neonate, very common siya sa area. Yung klase ng mass is still unknown," ayon kay Dr. Jean Zialcita, neonatologist ng PCMC.

 

At dahil bumuhos ang tulong mula sa inyo, mga Kapamilya, agad na naoperahan si Baby Raiza.

 

"Yung operasyon mismo is just to excise the teratoma, yung bukol tinanggal din namin yun," ayon kay Dr. Edwin Castillo, isang pediatric surgeon.

 

Maliban sa sugat niya sa puwitan, ligtas at normal na ang munting anghel.

 

Nang ihatid na si Baby Raiza sa kanilang tahanan sa Tagkawayan, Quezon, ito na ang pinakamasayag sandali para sa kanyang pamilya.

 

Taospuso ang pasasalamat ni Liezel sa lahat ng sumagot sa kanilang panawagan.

 

"Di ko nga inakala na tuluyang matutupad... Manila to Lopez, Quezon, ang bilis talaga niyo. Maraming maraming salamat po," ani Liezel.

 

Nagpapasalamat ang "Hulog ng Langit" sa lahat na bukas-palad na tumulong kay Baby Raiza.         

 

 

BEFORE THE OPERATION

 

 

 

              

 

 

 

AFTER THE OPERATION

 

 

 

          

 

 

 

         

 

 

REUNITED WITH HER MOTHER IN TAGKAWAYAN, QUEZON