Daan-daang nurses at factory workers, kailangan sa Germany, Taiwan

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2017 11:55 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Higit 300 nurses at 100 factory workers ang kailangan sa Germany at Taiwan, ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Ayon sa POEA, 350 nurse na may hindi bababa sa dalawang taong experience sa intensive care unit (ICU), general, medical and surgery ward, geriatric care, at operating room ang kailangan ngayon sa Germany.

Government-to-government ang sistema ng recruitment. 

"Kapag sinabing government to government, POEA lang ang kanilang dapat apply-an. Mag-online registration. If they're qualified, dadalhin nila 'yung requirements dito sa ground floor, counter S and T," ayon kay POEA Deputy Administrator Jocelyn Sanchez. 

"'Yung German language proficiency naman ay kapag napili na ng employer and iso-shoulder ito ng employer. Ang gagastusin lang kapag government to government, siyempre 'yung mga documentation nila."

Nasa €1,900 o P112,000 ang starting salary na maaari pang tumaas sa €2,300 kapag pumasa pa sa nursing exam sa Germany.

Sa Taiwan naman, 100 factory worker ang kailangan ng dalawang kompanya kung saan government-to-government din ang recruitment. 

Kailangan lamang na vocational o college graduate upang makapasok sa trabaho.

Para sa mga interesado, kailangang isumite sa POEA ang mga sumusunod na requirements pero paalala nila, kailangang magmadali dahil may deadline at may scheduled interview agad sa Enero. 

Samantala, umakyat sa 5% ang unemployment rate nitong Oktubre kumpara sa 4.7% noong isang taon, base sa huling labor force survey ng Philippine Statistics Authority.

Tumaas din ang populasyon ng mga 15 anyos pataas pero bumaba ang labor force participation rate.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.