Pinay housekeeping supervisor, natagpuang patay sa Oman

Rowen Soldevilla, ABS-CBN Middle East News Bureau

Posted at Nov 02 2016 11:02 AM

MUSCAT – Hustisya ang hinihiling ngayon ng pamilya ng isang Pilipinang natagpuang patay sa Muscat, Oman.

Kumalat sa social media ang larawan ng Pinay na nakilalang si Pinky Esmeria Bautista Pamittan na natagpuang patay sa isang lugar sa Oman.

Dumating sa Muscat si Pamittan noong Marso a-24 at nagtrabaho bilang housekeeping supervisor sa isang kilalang hotel sa Oman.

Ayon kay Labor Attache Nasser Mustafa, inireport ng pamunuan ng hotel sa Royal Oman Police na nawawala si Pamittan noon pang Miyerkules.

"Nag day off sila kasama yung co-worker niya at nung nag missing siya, yung co-worker niya in fairness, to the co-worker, nag report agad sa hotel. That is the very reason the management of the hotel reported to the police," paliwanag ni Mustafa.

Biyernes nang makita ang katawan ng 32-anyos na si Pamittan sa Azaiba. Tubong Tuguegarao, Cagayan ang Pinay.

"Yung police, kinostody nila yung kasama niya to get more information about what had happened to our Filipino kababayan," dagdag pa ni Mustafa.

Hindi naman matanggap ng ina ni Pamittan na isa rin overseas Filipino worker sa Amman, Jordan ang mapait na sinapit ng kanyang anak.

"Humihingi po ako ng tulong sa ating pamahalaan na matulungan nila ako. Ang hirap tanggapin ang ginawa nila sa anak ko. Sobrang pahirap ang ginawa nila hindi ko kayang matanggap," sabi ng ina ng biktima na si Alice Pamittan.

Hiling ng ina ni Pamittan sa gobyerno ng Pilipinas na makapunta siya sa Oman at makita ang mga labi ng kanyang anak.

"Sana po tulungan ninyo akong makita siya para sabay na kaming umuwi. Sana mabigyan ng hustisya ang anak ko. Napakabait niya ho," sabi ng kanyang ina.

Nakikipag-ugnayan na ang mga opisyal ng embahada para ayusin ang mga dokumento ng ina ni Pamittan para makarating sa Oman. Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng awtoridad sa kaso.

"Ang hinihintay natin ang resulta ng investigation. Sa tingin naman namin ay ang pulis ay gingawa ang mabilis na imbestigasyon sa kaso na ito," sabi ni Mustafa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.