Reporter na panay overtime, patay

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2017 05:29 AM

Nasawi ang isang babaeng reporter sa Japan dahil sa panay na pag-overtime, ayon sa report ng Japanese news agency na Kyodo News.

Batay sa ulat, lumabas sa pagsisiyasat ng Japan labor standards office na nasawi ang NHK reporter na si Miwa Sado matapos magtrabaho ng 159 oras ng overtime sa loob lang ng isang buwan.

Dalawang araw din lang siyang nag-day off sa buong buwan bago siya namatay dahil sa “congestive heart failure” noong Hulyo 24, 2013.

Bilang reporter, dalawang taong tinutukan noon ni Sado ang Tokyo metropolitan government. 

Naitala ang kaniyang sobra-sobrang oras sa trabaho mula Hunyo hanggang Hulyo 2013 kung kalian idinaos ang Tokyo metropolitan assembly election at ang House of Councillors election.

Namatay si Sado tatlong araw matapos ang coverage niya ng halalan sa mataas na kapulungan. 

Naisapinal lang ng labor standards office ang pagsisiyasat nito sa insidente noong 2014 at lumabas ang ulat nitong Oktubre 4.

Nang tanungin kung bakit tatlong taon ang lumipas bago isinapubliko ang resulta ng imbestigasyon, sinabi ng isang senior official ng news department ng NHK na kailangan muna nilang ikonsidera ang hiling ng pamilya ni Sado.

Nakiusap daw sa kompanya ang naiwang kaanak ng reporter na sana’y hindi na maulit ang kaparehong insidente.

Ayon pa rin sa opisyal ng NHK, problemang maituturing ng buong organisasyon ang sobra-sobrang pagtatrabaho lalo na tuwing panahon ng halalan.

Batid ng NHK na kailangan pa rin nilang pag-ibayuhin ang pag-monitor sa oras na inilalaan sa trabaho ng kanilang mga empleyado.

Isinusulong ng administrasyon ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe na isaayos ang kondisiyon ng paghahanap-buhay sa Japan kasunod ng pagpapatiwakal ng isang bagong empleyado ng advertising company na Dentsu Inc. noong 2015.

Nag-suicide ang 24 anyos na empleyado noong Abril 2015 dahil din umano sa sobra-sobrang oras na ginugugol niya sa trabaho.

Inaasahang ibababa ng korte sa Tokyo ang desisyon sa kaso laban sa Dentsu Inc. ngayong Oktubre 6.

Noong Abril 2014, nasawi rin ang isang Pinoy dahil sa sobrang pagtatrabaho. 

Namatay ang 27 anyos na si Joey Tocnang matapos bumigay ang kaniyang puso dahil din sa panay na overtime.

Ayon din sa Japanese labor office, pinuwersa si Tocnang na mag-overtime ng hanggang 122 oras sa loob ng isang buwan.

Noong 2016, napagdesisyonang dapat bigyan ng kabayaran ang naiwang pamilya ni Tocnang.

Itinakda ang halagang 3 milyong yen o katumbas ng P1.4 milyong lump sum para sa kaniyang biyuda at naulilang anak.

Bukod pa riyan ang 2 milyong yen o katumbas ng P900,000 kada taon na ibibigay sa mag-ina.

Sa Japan, tinatawag na “karoshi” ang insidente ng pagkamatay dulot ng sobrang pagtatrabaho.

-- Ulat na isinalin mula sa Kyodo News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.