132 Pinoy mula Caribbean, nakabalik na sa Pilipinas

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2017 12:52 AM

Higit 100 Pinoy ang dumating Miyerkoles ng gabi sakay ng Philippine Airlines flight PR-8115 mula Puerto Rico.

Isang chartered flight ito na sumundo sa mga Pinoy na sinalanta ng Hurricane Irma mahigit isang linggo na ang nakararaan.

Delayed ang flight dahil alas-9 ng gabi sana ito darating.

Sakay ng eroplano ang 132 Pinoy na tinulungan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na makauwi mula sa mga isla sa Caribbean kabilang na ang British Virgin Islands.

Wala namang Pilipinong nasaktan sa pananalasa ng Hurricane Irma dahil nailikas ang mga ito bago pa man tumama ang isa sa mga itinuturing na pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng Estados Unidos.

Tiniyak naman ng DFA na tutulungan nila ang mga pinauwing mga kababayan.

Kasabay ng pagsusubaybay sa mga nasalanta ng Hurricane Irma, naka-monitor rin ang DFA sa pananalasa ng Hurricane Maria na kasalukuyang nananalasa sa mga isla ng Caribbean.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.