OFWs sa Middle East, nakiisa sa paghingi ng hustisya para kay Kian

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2017 05:33 PM

Nanawagan ng hustisya ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa gitnang silangan sa pagkamatay ng binatilyong si Kian Delos Santos sa isang anti-drug operation sa Caloocan City noong Agosto 16. 
 
Para sa ilang mga OFW sa Al Khobar, Saudi Arabia, malinaw na may kasalanan ang tatlong pulis Caloocan na itinuturong pumaslang sa 17-anyos na magaaral.

"Sa tingin ko po ay mayroon talagang paglabag ang mga pulis at sana matutukan ito ng ating Pangulo at mabigyan ng hustisya ang pamilya ng namatay," pahayag ni Arsenio Valera Javier, isang dentista sa Al Khobar.

Namatay si Delos Santos matapos barilin ng mga pulis nang siya ay magpaputok umano ng baril sa isinagawang anti-drug operation sa Caloocan City.
 
Pero pinasinungalingan ito ng CCTV footage at ng mga testigo na hindi nanlaban ang binatilyo.
 
Para sa mga OFW na may mga anak sa Pilipinas, damang-dama nila ang hinagpis ng ina ni Kian na isa ring manggagawa sa Saudi Arabia. Biglaan itong napauwi sa Pilipinas dahil sa sinapit ng anak. 
 
"Bilang isa rin po akong ina ng 17 years old at OFW, nakakaawa po talaga ang sinapit ni Kian kasi wala po siyang awang pinatay. Kung sakali pong may kasalanan si Kian, sana po ay hindi lang siya pinatay," sabi ni Liza Adriano, dentista sa Dammam.
 
Pero dapat hintayin daw muna ang resulta ng imbestigasyon.

"Para sa akin, naawa ako kay Kian sa sinapit niya pero hintayin natin ang imbestigasyon matapos, kung ano man ang resulta para malaman natin ang katotohanan," sabi ni Andy Magno, isang safety officer sa Dhahran.
 
Tingin naman ng iba, sinasakyan ng ilang mga pulitiko ang isyu sa pagkamatay ni Kian.
 
"Nakakalungkot ang nangyari kay Kian, pero mas nakakalungkot na parang ginagamit ang sitwasyon niya sa pulitika," sabi ni Joseph Sonsona.
 
Sa Beirut, Lebanon, awang-awa rin ang mga OFW sa kalunos-lunos na sinapit ni Kian.
 
“Di dapat humantong pa sa ganon, na mamatay siya. 'Yung ginawa ng pulis sa kanya, dapat hinuli na lang siya at binigyan siya ng pagkakataon na magbagong–buhay," sabi ni Elma Khoury.
 
Gayunpaman, huwag daw isisi ang lahat sa Pangulo, na siyang nagpatupad ng kampanya laban sa ilegal na droga.
 
"Sana naman, 'wag niyo nang gamitin 'yon laban kay tatay Digong para makaalsa 'yong mga tao laban sa kanya na mapaalis siya sa pwesto,” sabi ni Zeinab Jaber. 
 
Sa Kuwait, mariing kinondena ng mga Pinoy ang pagpatay kay Kian.
 
“Magulang din kasi ako at ayaw kong mangyari naman 'yon sa mga anak ko kasi OFW din ako. Huwag natin isisi sa pangulo. Kung tutuusin, hindi naman kinampihan ang mga pulis ngayon. Nasa neutral naman siya,” sabi ni Haide Alzate Somera.

Inihatid sa huling hantungan sa Delos Santos Sabado ng hapon, kung saan daan-daan ang dumalo. -- Ulat nina Maxxy Santiago, Florante Catanus at Rhyse Furio, ABS-CBN Middle East News Bureau