2 binatilyo, patay matapos mag-selfie sa baha

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2017 06:36 PM

Patay ang dalawang binatilyo matapos mag-selfie sa rumaragasang baha sa Bangladesh nitong Miyerkoles.

Ayon sa pulisya, nagse-selfie ang dalawang 15 anyos na estudyante sa binahang daan sa bayan ng Melandah nang tangayin sila ng rumaragasang tubig.

Kuwento ng opisyal ng paaralan kung saan pumapasok ang mga biktima, sinubukan pang sagipin ang dalawang estudyante pero masyadong malakas ang agos ng baha.

Narekober ng divers ang bangkay ng mga binatilyo matapos ang isang araw na paghahanap.

Halos kalahati na ng Bangladesh ang apektado ng mga pagbaha ngunit nagbabala pa ang weather agency nito na maaari pa itong lumala dahil umapaw na ang dalawang pangunahing ilog doon.

Ayon sa disaster management department ng Bangladesh, umabot na sa 56 ang napatay dahil sa mga pagbaha at 4.5 milyon na ang apektado nito.

Base naman sa datos ng health department, hindi bababa sa 107 ang kabuuang bilang ng mga nasawi kasama na sa pagbaha nitong Hulyo.

Winasak din ng baha ang aabot sa 200,000 tahanan at nasira ang mga pananim sa humigit kumulang 580,000 ektarya ng lupa, ayon sa mga opisyal.

Nagbukas na naman ang pamahalaan ng Bangladesh ng aabot sa 1,500 shelter kung saan mayroong pagkain at suplay ngunit dumadaing pa rin ang mga nasalanta ng baha na hindi pa naabot ng tulong ang kanilang lugar.

-- Ulat mula sa Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.