SAPUL SA VIDEO: Kotse, nang-araro ng mga demonstrador

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2017 06:14 PM

Isa ang patay matapos araruhin ng isang kotse ang mga nagkakainitang demonstrador sa Virginia, U.S.A.

Credit: Brennan Gilmore

Nakunan ng cellphone video ang kotseng hindi tumigil sa pag-andar habang nagpupulasan ang mga natarantang demonstrador.

Arestado ang itinuturong driver ng kotse na si James Alex Fields, Jr.

Ito ang ‘booking photo’ o retrato matapos maaresto ng suspek sa pananagasa ng mga demonstrador sa Virginia, U.S.A. Courtesy: Charlottesville Virginia Police Department
Ito ang ‘booking photo’ o retrato matapos maaresto ng suspek sa pananagasa ng mga demonstrador sa Virginia, U.S.A. Courtesy: Charlottesville Virginia Police Department

Sinampahan na si Fields ng kasong ‘murder.’

Hindi pa pinapangalanan ng mga awtoridad ang 32 anyos na babaeng nasawi sa pag-araro ng kotse.

Sugatan din sa pag-atake ang 19 na iba pa, kabilang ang limang kritikal na dinala sa ospital.

Nag-ugat ang protesta sa pagtutol ng ‘white supremacists,’ o mga nagsusulong ng karapatan ng ‘lahing puti’ bago ang anumang lahi, na tanggalin ang estatwa ng isang heneral ng noo’y ‘Confederate Army.’

Sumiklab ang gulo nang salubungin ang mga demonstrador ng mga kumokontra sa kanilang mga pananaw.

Samantala, dalawang pulis ang nasawi matapos rumeresponde sa girian sa protesta.

Bumagsak ang helicopter na sinasakyan ng dalawang pulis.

Inaalam pa ang sanhi ng pagbagsak ng helicopter.

Nagpaabot na ng pakikiramay si U.S. President Donald Trump sa naiwang pamilya ng mga nasawing pulis.

-- Ulat mula sa Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.