2 Pinoy, kabilang sa kabataang PWD na nabigyan ng benepisyo sa Italy

Mye Mulingtapang, ABS-CBN Middle East News Bureau

Posted at Aug 12 2017 06:14 PM

Mahirap mamuhay sa ibang bansa lalo na sa may kapansanan. Sa Italya, suportado ng gobyerno ang mga persons with disabilities, kabilang ang mga Pilipinong naninirahan doon.

Ito ang nararanasan ngayon ng dalawang Pilipinong may kapansanan na dinala ng kanilang mga magulang sa Iltalya para magkaroon ng mas magandang buhay.

Kasama sina Princess Hora, 14, at John Charles Marasigan, 13, sa mga Pinoy na nabigyan ng benepisyo na minamandato ng gobyerno ng Italya.

“Pinili ko na lang na acceptin itong ibinigay sa akin ni Lord,” sabi ni Princess.

Isang taong gulang pa lamang nang mabulag si Princess. Pinetisyon siya ng kanyang ama at nag-aaral ngayon sa isang school for the blind sa tulong ng gobyerno ng Italya. Mayroon ding libreng pabahay para sa kanya. 

“Talagang nakipagsapalaran ako sa Italya para sa kapakanan ng bata na baka sakaling makakita pa,” sabi ni Noly Hora, ama ni Princess. 
 
Dumaranas naman ng osteogenesis imperfecta o brittle bone disease ang 13-taong gulang na si John Charles.
 
Tinaningan na siya ng mga doktor sa Pilipinas kaya dinala siya ng kanyang mga magulang sa Milan para maoperahan.

 

Ngayon, patuloy ang therapy ni John Charles at umaasa na balang araw ay muling makapaglakad.

“Pumunta na kami dito ng Italy, bale nung una natatakot ako pano ba 'yung operation, baka kala ko mamatay ako,” sabi niya.
 
Sa Italya, may batas na nagtataguyod sa mga karapatan ng mga persons with disabilities tulad ng social benefits, health services, rehabilitation pati na rin ang legal at economic protection na kalimitan ay hindi natatanggap ng mga may kapansanan sa Pilipinas.

Sa tala ng World Health Organization, pangalawa ang Italya sa mga bansang may komprehensibong health care system habang pang 60 ang Pilipinas.
 
Isang atraksiyon sa maraming Pilipinong naninirahan sa Italya ang healthcare system dito.

Sa Pilipinas, limitado ang mga benepisyo ng mga PWD at tanging 50,000 sa tinatayang 1.2 milyon na may kapansanan ang nakikinabang sa mga benepisyong ito dahil na rin sa kakulangan ng maayos na programa at sistemang pangkalusugan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.