Anak ng OFW, umapela ng tulong para makontak ang ina sa Saudi

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2018 09:13 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA—Nangangamba ang isang pamilya matapos na mawalan ng komunikasyon sa kanilang ina na namasukan bilang household service worker sa Dammam, Saudi Arabia.

Ayon kay Rachelle Cornelio, Hunyo nang lumipad tungo Saudi Arabia ang kaniyang inang si Norma.

Pero hindi nila inaasahang magkaka-problema siya sa kaniyang amo dahil hindi umano siya pinapakain at sinuswelduhan.

Dahil dito, nagpasya ang ina na magreklamo sa Philippine Overseas Labor Office-Overseas Workers Welfare Administration sa Dammam.

"Nakausap ko po siya last Tuesday. Ang sabi po sa amin, 'yung sa POLO-OWWA po may person po doon tapos may person din po sa agency na sila lang 'yung nag-usap tapos nilipat po siya sa Pilipinong mag-asawa," sabi ni Cornelio sa panayam sa "Lingkod Kapamilya" sa DZMM Huwebes ng umaga.

Sa kanilang huling pag-uusap, inilipat ang kaniyang ina sa Pilipinong mag-asawa Linggo ng gabi.

"Wala siyang kaalam-alam. Ang sabi lang sa kaniya pupunta siya sa agency so 'yung mother ko sumama tapos wala siyang dalang cellphone, damit. Until now, di namin siya makontak," paliwanag ni Cornelio.

Nangako naman ang OWWA na agad na tutulungan ang pamilya ni Cornelio para makakuha ng impormasyon kung nasaan na ang kanilang ina.

"Ang mapapangako ko sa 'yo, makakalampag natin, makakatawag tayo doon sa Al Khobar para makapagbigay kami sa'yo ng information kung nasaan. We will also contact the local agency," sabi ni OWWA deputy administrator Arnell Ignacio.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.