2 pamilyang Pinoy, apektado sa pagsabog sa Italy

Jackie de Vega, ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at Aug 07 2018 11:52 AM | Updated as of Aug 07 2018 07:36 PM

ROME, Italy (UPDATE) – Dalawang pamilyang Pilipino ang naapektuhan ng malakas na pagsabog nang salpukin ng isang fuel tanker ang nasa harapan nitong truck sa Borgo Panigale sa Bologna, Lunes ng hapon.

Ayon sa Philippine Consulate General in Milan, walang nasaktang Pilipino sa insidente.

Sa kuha ni Reggie Ibarra, makikita ang pinsalang idinulot ng pagsabog sa apartment ng dalawang pamilyang Pilipino.

Larawan mula kay Reggie Ibarra
Larawan mula kay Reggie Ibarra

Sirang pinto at basag na mga salamin ang tumambad sa pamilya pag-uwi nila ng bahay.

Ayon kay Rhod Pasion, tagapagsalita ng Migrante Bologna, kasalukuyang pinatuloy ng local government ang mga pamilya sa mga hotel para may pansamantalang matuluyan.

“Pinaabot na natin sa ATN (Assistance to National) officers sa Milan Consulate ang detalye at pangalan ng ating mga kababayan,” sabi ni Pasion sa kaniyang post sa Facebook.

Mula sa opisyal na video na na-release ng kapulisan, binabaybay ng isang fuel tanker truck ang highway nang sumalpok ito sa rear-end ng nakatigil na truck. Kasunod ng pagsalpok ng tanker ang pagkalat ng apoy sa mga katabing sasakyan. Sumalpok rin sa likuran ng tanker ang truck na nakasunod rito.

Sa lakas ng impact ng pagsabog ay gumuho ang isang malaking parte ng A14 motorway bridge. Kasama rin sa mga nasunog ang mga kotse ng 2 auto concessionaire na nakaparada malapit sa ilalim ng overpass.

Dalawa ang kumpirmadong patay at humigit kumulang 70 ang mga nasaktan kung saan 14 rito ay kritikal ang kalagayan. 

Karamihan sa mga nasaktan ay nagtamo ng sugat mula sa mga nagliparang basag na salamin ng mga sumabog na bintana ng mga gusali.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.