Mga Pinoy sa Dubai, nagdasal para sa kapayapaan sa Marawi

Rachel Salinel, ABS-CBN News Middle East News Bureau

Posted at Jul 19 2017 10:02 PM

Nagtipon-tipon ang ilang mga Pilipino sa Jebel Ali sa Dubai para simple at taimtim na panalangin para sa kapayapan sa Marawi City.
 
Ilan sa nakadalo sa prayer for peace ay mga OFW sa Dubai at Northern Emirates na residente din ng Marawi City.

“Kami po ay nasisiyahan na may ganitong joint prayer for the Marawi crisis dahil naramdaman po namin ang simpatiya ng ibang relihiyon, mga Filipino na nakikiisa at nakikiramay sa nangyayari ngayon sa Marawi City,” pahayag ni Hanifah Caye Ampatua mula sa Maranao community sa UAE.

Para naman kay Marlene Murphy ng Filipina Ladies in Dubai Group, ang pagdarasal ay ang tanging magagawa nila sa ngayon.

“The least we can do is to support them, pray for them, and give them the moral support that we can give,” sabi ni Murphy.
 
Ang pagdarasal ay dikit sa panawagan ng konsulado sa mga Filipino community sa emirate na magsulat ng liham o magpadala ng postcard sa mga sundalong lumalaban para sa bansa, at mga taga Marawi.

 “We appreciate and welcome all efforts of all Filipino community groups here in Dubai and Northern Emirates. Iisa lang naman ang wish natin para sa lahat na matigil na itong pangyayari dito,” sabi ni Vice Consul Marianne Bringas ng Philippine Consulate in Dubai and Northern Emirates.
 
Dagdag niya na sa pamamagitan ng sulat at panalangin, sana ay makamit na ang kapayapaan.
 
Ang mga sulat na makokolekta ng konsulado at embahada ay ipapadala sa Department of Foreign Affairs sa Maynila at para naman maipadala sa Marawi City.
 
“I am praying for the safety of the soldiers who are fighting for us also. Pagdating sa ganitong punto, walang relihiyon. Dapat po magkaisa po tayo,” sabi ni Yashmen Benito. - ABS-CBN Middle East News Bureau 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.