Mga Pinoy na naghahanap ng trabaho sa Russia, pinag-iingat

Niel Tero, ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at Jul 08 2017 12:22 PM

Five OFWs were at the airport with Mr. Christian Baggas, ATN Officer of the Philippine Embassy in Moscow before their flight to the Philippines on June 1. Photo courtesy of the Philippine Embassy in Moscow

MOSCOW- Nagpaalala ang embahada ng Pilipinas sa Russia na huwag nang magpahikayat ang mga Pilipino na mag-apply ng trabaho bilang kasambahay dito dahil wala pa umanong visa category para sa trabahong ito.

“Panawagan sana namin, 'wag muna ang pag-iimbita o pagtulong, 'pag kolekta ng pera [dahil] saklaw po ito ng illegal recruitment kahit hindi po kayo pormal na agent. 'Yung nasa ibang bansa, kung nakikinig kayo, mag-ingat ho dahil kung hangad nyo po ang mag trabaho sa Russia bilang household worker ay wala pang visa category para po sa trabaho pong 'yan,” paliwanag ni Philippine Ambassador to Russia Carlos Sorreta.

May higit kumulang 5,000 Pinoy ang naninirahan at nagta-trabaho dito sa Russia. Karamihan sa kanila ay nasa household service sector.

Sa kabila ng kawalan pa ng visa category para sa nasabing trabaho, may mga Pilipino pa rin ang nag-iimbita sa mga kapwa Pinoy na makipagsapalaran sa Russia. Karamihan sa kanila ay galing pa sa Hong Kong.

Sa kagustuhang makapunta sa Russia, hindi umano nila namamalayan na nabibiktima na pala sila ng illegal recruitment.

“Ang importante, lalo na sa Russian government, ay matigil 'yung illegal recruitment. 'Yung tuloy-tuloy na pag-dagsa, 'yung pag-abuse sa commercial, tourist at student visa para mag-trabaho,” sabi ni Sorreta.

May ilang mga Pinoy na din ang minsan nang nadakip.

Puspusan naman ang pakikipag-ugnayan ng embahada dito sa awtoridad ng Russia.

“Medyo naging strikto po ang Russian government pagdating sa tamang dokumento para mag-trabaho dito. Ang mga na-repatriate po, tinulungan namin sila dahil ayaw namin mapatagal 'yung kaso nila,” dagdag pa niya.
 
Noong nakaraang linggo, hinatid ng mga taga-embahada ang ilang Pinoy na uuwi sa Pilipinas. Sa tala ni Sorreta, may 20 Pinoy na ang napauwi sa Pilipinas sa loob ng buwan ng Hunyo dahil sa kakulangan ng dokumento.

“Unfortunately, marami tayong mga kababayan dito na pinauwi ng Russian government dahil kulang sa documents. Itong month of June, meron po kaming total 20 po na natulungan,” aniya.
 
Kahit wala pa ring visa category para sa mga overseas Filipino workers dito, suportado naman ng ilang employer ang mga ito at kumpiyansa na mareresolba ang lahat.

“Sa akin, okay lang naman kasi kahit wala akong visa. Sa awa ng Diyos, ever since, wala pa namang sumisita na pulis sa akin,” pahayag ni Melody Mena.
 
“Siyempre, hoping pa rin. Sana mabigyan kami dito ng kasiguraduhan na mabalik na 'yung mga visa namin, na maging legal kami dito dahil kailangan namin ng pera,” sabi naman ni Rheavic Daig-Caroro.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.