Amnesty program para sa mga 'di dokumentadong banyaga, pinalawig pa ng Saudi Arabia

DZMM

Posted at Jun 30 2017 05:23 PM

Pinalawig pa ng pamahalaan ng Saudi Arabia ang amnesty program nito para sa mga undocumented o mga overstaying na banyaga doon, kabilang na ang libo-libong mga overseas Filipino workers.

Dapat ay ngayong Biyernes ang deadline ng 90-day amnesty period, pero na-extend pa ito ng hanggang Hulyo 24, 2017.

Mayroon nang mahigit 14,000 na undocumented na Pinoy ang nagparehistro sa Philippine Embassy sa Riyadh at Philippine Consulate General sa Jeddah, pero higit 5,000 pa lang ang nakauwi.

Higit 2,000 naman ang naghihintay pa ng kanilang ticket hanggang ngayon.

May 6,255 pang mga undocumented Pinoy na makikinabang sa pagpapalawig na ito ng amnesty program.

Sinumang hindi makasunod sa itinakdang amnestiya ay may naghihintay na parusa o kulong.