Pinaghirapan ng OFW sa Mozambique, sulit sa anak na bar passer

Rachel Salinel, ABS-CBN Middle East News Bureau

Posted at May 18 2017 08:47 PM | Updated as of May 19 2017 02:47 PM

Kahit pa nagpapagaling mula sa operasyon sa bumigay na tuhod, uwing-uwi na sa Pilipinas ang isang Pilipinang guro sa Maputo, Mozambique para personal na daluhan ang oath-taking ng anak na napabilang sa mga nakapasa sa bar exams.

Pangako ni Minerva Somejo sa anak na si Theodore Renz na uuwi siya sa Pilipinas. Inoperahan si Somejo sa kaliwang tuhod ng araw na lumabas ang resultang pumasa ang anak sa bar.

“Nagpasalamat ako sa Diyos kasi pinakinggan niya ako. Nung oras na iyon gusto kong tumalon, mag hiyaw-hiyaw pero hindi ako makagalaw kasi numb pa ang paa ko sa anaestheshia. Tuwang-tuwa ako kahit masakit na masakit, parang biglang nawala lahat ang hirap ko at gusto ko na lang talagang umuwi,” pahayag ng 56-anyos na guro.

Nadulas si Somejo sa simbahan sa Maputo nang magtirik ng kandila ilang araw bago lumabas ang resulta ng bar exam.

“Nagsindi ako ng kandila sa altar dahil nga humihiling ako para makapasa ang anak ko, para makauwi na rin ako,” sabi niya.

Kuwento niya, nadulas muna siya at pagtayo ay saka bumigay ang tuhod. Agad siyang sinugod sa ospital para maoperahan.

Mahigit 10 taon nang teacher sa Mozambique si Somejo. Una na itong nakapagpatapos ng isang nursing at ngayon ay abogado naman mula sa Tuguegarao, Cagayan.

Nang makapanayam ng ABS-CBN, sabi niya na sa pagkakapasa ng anak ngayon ay okay na ang makabalik sa Pilipinas.

“Salamat at nakapasa ka. Oo, uuwi na ako para magkakapiling na tayong lahat. Anyway, promise ninyo naman ng kapatid mo 'di ba na kayo ng bahala sa ading niyo kaya pwede na akong umuwi,” sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.