Pilipinong sangkot sa droga sa Italya, dumarami

ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 05:57 PM | Updated as of May 18 2017 05:24 AM

Nababahala ang Consulate General ng Milan at isa pang grupo sa pagtaas ng bilang ng mga Pinoy sa Italya na gumagamit at nagbebenta ng droga, lalo na sa mga kabataan. 

Sa kasulukuyan, mahigit 20 Pilipino ang nakakulong sa northern Italy dahil sa droga. Bukod sa mga nakakulong, may iba pa umano na patuloy pa rin sa kanilang ilegal na gawain. 

Sa tala naman ng Associazione Lotta All'aids o ALA, 67% ng mga Pilipino sa Italya na lulong sa droga ay gumagamit ng metamphetamine o shabu. 

Mababa rin ang porsyento ng mga Pinoy na nasa rehabilitasyon pero mataas ang bilang ng mga gumagamit o nagbebenta ng droga sa North Italy. 

Aksyon ng konsulado, pamahalaan, at ALA

Upang tugunan ang problemang ito, naglunsad ang konsulado ng mga programa sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sa pagbisita ni PDEA Director General Isidro Lapeña sa Milan, nakipagpulong siya sa pulisya para magkaroon ng kooperasyon, makapagpalitan ng impormasyon at maprotektahan ang ibang OFW sa Italya.

Pinaigting din ng grupong ALA ang kanilang kampanya upang matulungan ang mga apektadong Pilipino lalo na ang mga kabataan. 

Paliwanag pa ni Dr. Christiano Vincenzo, presidente ng ALA, kailangang maaksyunan agad ang problemang ito dahil patuloy ang pagdami ng mga kabataang nalululong sa shabu.

Sa pamamagitan ng pagtutulungan ngayon ng konsulado, PDEA at ng Filipino community, inaasahang mapipigilan ang modus operandi ng malalaking sindikato ng droga na ginagamit ang mga Pilipino sa pagbebenta ng shabu. 

Inaasahan ding malaki ang magiging epekto nito sa rehabilitasyon ng mga Pilipinong gumagamit ng droga. 

-- Ulat ni Mye Mulingtapang, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.