Pagpapadala sa Kuwait ng skilled, semi-skilled workers, puwede na uli

ABS-CBN News

Posted at May 15 2018 05:15 PM | Updated as of May 15 2018 09:30 PM

Dumating sa Ninoy Aquino International Airport sa Maynila ang ilang overseas Filipino worker (OFW) mula Kuwait noong Pebrero 12, 2018. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Puwede na ulit ipadala sa Kuwait ang mga Pinoy na skilled o semi-skilled worker matapos malagdaan ang kasunduang nagbibigay proteksiyon sa mga manggagawang Pinoy sa naturang Gulf state.

"Lifting of deployment ban of skilled and semi-skilled workers to Kuwait effective today," sabi nitong Martes ni presidential spokesperson Harry Roque sa mga mamahayag.

Noong Biyernes nilagdaan ng mga gobyerno ng Kuwait at Pilipinas ang memorandum of understanding (MOU) na nagpapaigting sa proteksiyon ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait.

Kabilang sa mga probisyon ang 24/7 hotline para sa mabilis na pagresponde sa mga ulat ng pang-aabuso sa OFW.

Bagaman isa ito sa mga kondisyon para sa pag-alis ng deployment ban, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello na dapat munang bantayan kung magiging epektibo ang kasunduan.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Dahil titingnan pa ang pagiging epektibo ng MOU, skilled at semi-skilled workers muna ang papayagang magtrabaho sa Kuwait at hindi muna ang mga household service worker (HSW).

"Titingnan natin kung this will be an effective deterrent on possible abuse or maltreatment of our overseas worker," sabi ni Bello.

Bubuo ang Pilipinas at Kuwait ng isang joint committee na responsibilidad ang pagpapatupad ng MOU, pagbalangkas ng draft ng mga employment contract, at paglatag ng mga parusa sa mga lalabag. 

Sa tantiya ni Bello, aabutin ng isang buwan para malaman kung maayos na naipapatupad ang kasunduan.

Sa datos na nakalap ng Philippine Association of Agencies for Kuwait, nasa 20,000 manggagawa ang naapektuhang ng tatlong buwang deployment ban. 

Sa bilang na ito, 60 porsiyento o 12,000 ay mga HSW.

Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero ang pagpapatupad ng total deployment ban sa Kuwait matapos ang serye ng mga ulat ng pang-aabuso at pagkamatay ng mga overseas Filipino worker (OFW) doon, kabilang si Joanna Demafelis na natagpuang bangkay sa loob ng freezer. 

Hinihinalang isang taon nang patay si Demafelis nang matagpuan ang kaniyang bangkay. 

Bukod sa paglagda sa MOU, isa ang hustisya para kay Demafelis sa mga kondisyon noon ng Pilipinas bago ikonsidera ang pag-alis sa deployment ban.

Noon ding Pebrero, nahuli ng mga awtoridad ang mag-asawang Lebanese at Syrian na employer ni Demafelis at mga suspek sa pagkamatay ng OFW.

Sa unang pagdinig ng kanilang kaso, sinentensiyahan agad ang mag-asawa ng bitay.

Inanunsiyo rin ni Roque noong Sabado, Mayo 12, na bumalik na sa normal ang relasyon sa pagitan ng dalawang bansa matapos magkaroon ng hidwaan dahil sa kontrobersiyal at hindi awtorisadong pagsaklolo ng ilang tauhan ng embahada ng Pilipinas sa mga inabusong OFW.

Ikinagalit ng Kuwait ang pangyayari at itinuring itong paglabag sa kanilang soberaniya, dahilan para mapalayas ang dating ambassador doon na si Renato Villa.

-- Ulat nina Dexter Ganibe at Zen Hernandez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.