Pang-unawa ng mga anak, hiling ng OFWs sa Mozambique sa Mother's Day

Rachel Salinel, ABS-CBN Middle East News Bureau

Posted at May 13 2017 10:34 AM

Marylyn Estrada at Simonette Perigrino

Pangungulila ang nadarama ng ilang Pilipinong guro sa Maputo, Mozambique sa pagsapit ng Mother’s Day.

Gusto ng mga Pinay teachers na maintindihan ng kanilang naiwang mga anak sa Pilipinas kung bakit nagtitiis sila sa malayong lugar ngayon.

Hindi naiwasang lumuha nina Marylyn Estrada at Simonette Perigrino nang makapanayam ng ABS-CBN News.

“Mga anak, kung alam ninyo lang, nagtitiis si mama dito. Sana maintindihan ninyo ako. Lahat ng kailangan ninyo naibibigay ko pero ang pagmamahal hindi ko naibibigay. Alam ko malaki ang hinanakit ninyo sa akin, sana maintindihan ninyo ako. Maraming salamat na sa pagtanda ko, ganon pa rin ang pagmamahal ninyo sa akin bilang ina,” pahayag ni Estrada, 57 anyos.

May 15 taon nang teacher sa Maputo si Estrada. Dahil sa tagal na ng kanyang pagkakawalay sa pamilya, di maiiwasang magkaroon ng tampo sa kanya ang kanyang mga anak, lalo na ang kanyang bunso.

“Kapag kinakausap ko siya nagre-reply siy,a pero never siya nag-sa-say 'I love you' sa akin. 'Yung dalawa kong lalaki, kapag sinabi kong 'I love you, anak,' nag re-reply din sila ng 'I love you,” sabi niya.

Dagdag niya, sa pagtuturo at pagaaruga sa mga estudyante sa ibang bansa niya na lang nabubuhos ang pangungulila at kakulangan niya sa tatlong anak.

“Talagang mahirap lalo na 'pag nagkakasakit sila. Naibibigay ko lahat ng kanilang kaligayahan pero ang pagmamahal ko bilang ina hindi nila nararamdaman,” sabi ni Estrada.

Para kay Perigrino, tatlong taon nang guro sa Maputo, napakahirap ang mawalay sa pamilya, lalo na sa mga anak.

“Doon ako na-depress ng husto, kaya lang kailangan ko talagang mag-tiis, mag-sacrifice kung ano man ang nararanasan ko, kasi para sa kanila rin 'yun. In no time din naman magkakasama rin kami,” sabi niya.

Nagtatampo rin ang bunsong anak ni Perigrino sa kanya.

“Para sa mga anak ko, mahal na mahal ko sila. We’ll do everything for them para magkaroon sila ng magandang future. Lalong-lalo na kay Gillian, mahal na mahal ko siya ang I am very proud of her, and it really hurts me na wala ako sa panahon na kailangan niya ako. But I am proud of her kasi kahit wala ako, magaling siya sa school,” kwento ni Perigrino.

Karamihan sa Pilipino sa Mozambique ay mga kababaihang guro sa mga primary schools sa Maputo ng halos 10 taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.